9 na taong gulang na batang babae nawala, natagpuang walang buhay kinabukasan. Suspek, 13 taong gulang
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-05 06:06:04
MANILA — Nagdulot ng matinding pagkabigla at pagluluksa sa isang barangay ang pagkakadiskubre sa bangkay ng 9-anyos na si Kai Kai, na iniulat na nawawala noong Agosto 2, 2025 at natagpuang walang buhay kinabukasan.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, natagpuan ang bata na nakabalot lamang sa kumot at mahigpit na yakap-yakap ng kanyang ama nang ito'y madiskubre. Hindi mapigilan ng ama ang pagluha habang paulit-ulit na humihingi ng tawad sa kanyang anak na hindi niya nagawang protektahan.
Mas nakapanlulumong detalye ang lumabas sa ulat—pinaniniwalaang posibleng ginahasa si Kai Kai bago ito pinatay.
Lalo pang ikinagimbal ng publiko ang pagkakadawit ng isang 13-anyos na binatilyo bilang pangunahing suspek sa krimen. Subalit dahil sa umiiral na Juvenile Justice and Welfare Act, hindi ito maaaring sampahan ng kasong kriminal bilang isang adult at hindi rin maaaring makulong, bagay na lalong nagpaigting sa panawagan para sa pagbabago ng batas.
Isa sa mga nanguna sa panawagan si Senator Robin Padilla, na nagsabing panahon na upang ibaba ang edad ng criminal liability sa bansa. Ayon sa kanya, hindi sapat ang katwiran na “bata pa sila” kung buhay na ang kapalit ng karahasan.
Sa ngayon, patuloy na gumugulong ang masusing imbestigasyon upang alamin ang buong katotohanan sa likod ng karumal-dumal na krimen. Samantala, nananatili ang sigaw ng pamilya ni Kai Kai — hustisya.
Sino ang mananagot para kay Kai Kai?
Sino ang tutugon sa iyak ng isang amang nawalan ng anak?
(Source: Jedrian Bendecio facebook)
(Larawan: Jedrian Bendecio facebook / edited in canva)
