Diskurso PH
Translate the website into your language:

Sunod-sunod na lindol naitala sa Batangas, Surigao del Norte at Cagayan

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-20 01:18:56 Sunod-sunod na lindol naitala sa Batangas, Surigao del Norte at Cagayan

Manila - Sunod-sunod na pagyanig ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa iba’t ibang bahagi ng bansa nitong madaling-araw ng Miyerkules, Agosto 20, 2025.

Unang yumanig ang isang magnitude 4.8 na lindol sa Calaca, Batangas dakong 12:43 AM. May lalim itong 5 kilometro at naramdaman hanggang sa ilang bahagi ng Metro Manila. Ayon sa PHIVOLCS, naramdaman ang Intensity III sa Quezon City at Intensity II sa Makati City. Sa mga instrumental intensities naman, umabot sa Intensity IV ang ilang bayan sa Batangas at Cavite, at Intensity III hanggang II sa mga karatig-lugar gaya ng Laguna, Quezon, at Bataan.

Makalipas lamang ang apat na minuto, alas-12:47 AM, isang mahina ngunit naitalang magnitude 2.4 na lindol ang tumama sa dagat, 35 kilometro Hilaga 01° Silangan ng Burgos, Surigao del Norte, na may lalim na 28 kilometro.

Sumunod naman na yumanig ang isang magnitude 2.8 na lindol sa karagatan malapit sa Fuga Island, Aparri, Cagayan. Naitala ito alas-12:51 AM, may lalim na 12 kilometro, at natukoy ang epicenter sa 16 kilometro Hilaga 75° Kanluran ng Fuga Island.

Ayon sa PHIVOLCS, pawang tectonic ang pinagmulan ng mga lindol at hindi inaasahan ang tsunami mula sa mga ito. Bagama’t maliit lamang ang ilang lindol, ipinaalala ng ahensya na normal ang pagkakaroon ng sunod-sunod na mahihinang pagyanig sa mga lugar na malapit sa aktibong fault lines at trench systems.

Patuloy na pinapayuhan ang publiko na manatiling mapagmatyag at sumubaybay sa mga opisyal na anunsyo ng PHIVOLCS para sa mga kaugnay na update.