Diskurso PH
Translate the website into your language:

Marcos, bukas sa ‘sensible suggestions’ — kahit pa mula sa mga Duterte

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-08-31 12:22:13 Marcos, bukas sa ‘sensible suggestions’ — kahit pa mula sa mga Duterte

AGOSTO 31, 2025 — Ipinahayag ng Malacañang na handang makinig si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anumang ‘sensible suggestions’ para maresolba ang suliranin sa pagbaha sa bansa — kahit pa ito ay mula sa kampo ng mga Duterte.

Kasunod ito ng mga batikos ni acting Davao City Mayor Baste Duterte sa umano’y kakulangan ng administrasyon sa imprastruktura, partikular sa mga proyekto kontra baha. 

Ayon kay Presidential Communications Undersecretary Claire Castro, bukas ang Pangulo sa mga suhestyong may saysay, ngunit dapat ding ipaliwanag ng nakaraang administrasyon ang mahigit 13,000 flood control projects na isinagawa sa kanilang termino.

“If they have sensible suggestions, the President is open to listening to everyone,” ani Castro. 

(Kung may makabuluhang mungkahi sila, bukas ang Pangulo sa pakikinig sa lahat.)

Dagdag pa ni Castro, hindi nakakatulong sa publiko ang mga komentong walang konkretong solusyon. Aniya, mas makabubuti kung ipapaliwanag ng mga Duterte kung nasaan na ang 13,917 proyekto kontra baha na isinagawa noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“What they can do to help is inform the people about the 13,917 flood control projects of the previous administration so that everyone knows if they exist, are operational, are they effective in the flood problem, and if we are feeling these projects now and in previous years,” paliwanag ni Castro. 

(Ang magagawa nilang tulong ay ipabatid sa publiko ang tungkol sa 13,917 proyekto ng nakaraang administrasyon upang malaman kung umiiral ba ang mga ito, gumagana, epektibo sa problema ng baha, at kung nararamdaman ba natin ang epekto nito ngayon at noon.)

Matatandaang iniutos ni Marcos ang audit ng mga flood control projects sa kanyang ika-apat na SONA noong Hulyo, kasabay ng pagtuligsa sa korapsyon na nagdudulot ng paulit-ulit na pagbaha.

(Larawan: Philippine News Agency)