Diskurso PH
Translate the website into your language:

Panukala ni Leviste: bawasan ang VAT, buwisan ang mayayaman, tapyasan ang pondo sa flood control

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-09-03 20:31:47 Panukala ni Leviste: bawasan ang VAT, buwisan ang mayayaman, tapyasan ang pondo sa flood control

SETYEMBRE 3, 2025 — Isinusulong ni Rep. Leandro Leviste ng Batangas ang malawakang pagbabago sa sistema ng buwis sa bansa — kabilang ang pagbawas sa VAT, paglalagay ng buwis sa mga mayayaman, at pag-alis ng pondo sa mga proyektong pangkontrol sa baha na umano’y pinagmumulan lamang ng katiwalian.

Sa isang panayam noong Setyembre 1, iginiit ni Leviste na dapat nang baguhin ang paraan ng pangongolekta ng buwis upang mapigilan ang pagtagas ng pondo sa mga kuwestiyonableng proyekto.

Ayon sa kanya, ang kasalukuyang 12% VAT ay masyadong mabigat para sa karaniwang Pilipino. 

“It is predominantly paid by the poor,” aniya. 

(Karaniwang binabayaran ito ng mga mahihirap.)

Iminungkahi niyang ibaba ito sa 10% upang madagdagan ang perang maaaring gastusin ng bawat pamilya. Tinaya niyang aabot sa ₱5,000 kada taon ang madadagdag sa disposable income ng bawat sambahayan.

Paliwanag niya, mas makabubuti kung ang pera ay direktang mapupunta sa mamimili kaysa sa mga kontratista o opisyal. 

“Instead of the money going to a wealthy person or a contractor, it goes directly into the pockets of a person who will spend that money in the economy,” wika ni Leviste. 

(Sa halip na mapunta ang pera sa mayayaman o kontratista, diretso itong mapupunta sa bulsa ng mamimili na gagamitin sa ekonomiya.)

Upang punan ang tinatayang ₱130 bilyong mawawalang kita mula sa VAT, iminungkahi niya ang paglalagay ng buwis sa mga mamahaling ari-arian — ₱300,000 kada metro kuwadrado.

Bilang halimbawa, binanggit niya ang posibilidad ng pagkolekta ng ₱150 bilyon mula sa 1.5% buwis sa mga ari-arian ng tinatayang 5,000 pamilyang may higit ₱2 bilyon halaga ng lupa.

Giit niya, ang ganitong hakbang ay makatutulong upang hindi maipon ang yaman sa iilang tao lamang. 

“’Yung iba nga po kasi, they’re accumulating wealth. They’re spending it abroad. But kung nasa bulsa ng consumer, then umiikot na lang sa economy, and ‘yan ang magpapaunlad sa ating bansa,” dagdag niya. 

Bukod sa buwis, nais din ni Leviste na bawasan ang pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mapigilan ang korapsyon. 

“Lower spending is a good idea if you want to prevent corruption,” aniya. 

(Maganda ang pagbawas ng paggasta kung nais mong pigilan ang korapsyon.)

Sa kabila ng pagiging bilyonaryo, sinabi ni Leviste na balak niyang ipamigay ang kanyang yaman sa pamamagitan ng mga scholarship para sa mga estudyanteng kapos-palad sa mga probinsya.

Noong Hunyo 2024, naging pinakamalaking shareholder ng ABS-CBN si Leviste matapos bilhin ang 10% ng outstanding shares nito sa pamamagitan ng LL Holdings Inc.

Siya rin ang nagsiwalat ng umano’y tangkang panunuhol ni Batangas 1st District engineer Abelardo Calalo upang mapatigil ang imbestigasyon sa mga proyekto sa lalawigan.

(Larawan: YouTube)