Diskurso PH
Translate the website into your language:

Kamara planong isoli sa DBM ang P6.793 trilyong 2026 national budget

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-04 19:13:38 Kamara planong isoli sa DBM ang P6.793 trilyong 2026 national budget

MANILA — Inirekomenda ng mga lider ng Kamara na isauli sa Department of Budget and Management (DBM) ang panukalang P6.793 trilyong 2026 national budget dahil umano sa dami ng nakitang iregularidad at maling entries sa dokumento.


Ayon kay Deputy Speaker Ronaldo Puno, mas makabubuti na ibalik muna ang National Expenditure Program (NEP) upang maayos at maitama ng DBM kaysa ipasa sa Kongreso ang responsibilidad ng pagwawasto sa bawat distrito.


Kabilang sa mga natukoy na problema ang pagkakaroon ng dobleng entries, pondo para sa mga proyektong natapos na, at malalaking lump-sum allocations. Ilan sa mga ahensiyang nadamay sa mga anomalya ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), at Department of Agriculture.


Binanggit din ng ilang kongresista na kung ipipilit na isalang sa budget hearing ang naturang NEP, posibleng mabansagang sila pa ang nagmaniobra ng alokasyon kahit malinaw na sa DBM pa lamang ay may kakulangan na.


Kasama sa rekomendasyon ang paggamit ng congressional recess sa Oktubre at Disyembre para mapabilis ang deliberasyon kung agad na makapagbibigay ng tamang bersyon ang DBM. Gayunman, nananatili ang pangamba na mauwi sa reenacted budget kung maaantala ang pagsusumite at pag-apruba ng bagong panukala.


Sa ngayon, hinihintay pa ang magiging desisyon ni House Speaker Martin Romualdez kung pormal na isosoli sa DBM ang buong NEP o itutuloy pa rin ang mga nakatakdang pagdinig.