Diskurso PH
Translate the website into your language:

DPWH titigil na sa pagsira ng maayos na kalsada — Sec. Vince Dizon

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-09 08:55:16 DPWH titigil na sa pagsira ng maayos na kalsada — Sec. Vince Dizon

MANILA — Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na hindi na ipagpapatuloy ng ahensya ang pagsira at muling pagsesemento ng mga kalsadang maayos pa, kasunod ng mga puna sa budget hearing ng Kongreso para sa 2026.

Sa naturang pagdinig, binatikos ni Zamboanga del Norte 3rd District Representative Adrian Michael Amatong ang paulit-ulit na katuwiran ng DPWH na “naka-program na” ang mga proyekto, kahit pa malinaw na hindi na kailangan ang ilan sa mga ito. Giit ni Amatong, “Gawa ng tao ang mga programa, kaya maaaring baguhin kung hindi na kailangan.”

Sumang-ayon si Dizon sa puna ng mambabatas at sinabing, “Ititigil na natin ang ganitong sistema. Hindi na dapat sinisira ang mga kalsadang maayos pa.” Dagdag pa niya, isa ito sa mga direktiba mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na layong ibalik ang partisipasyon ng mga local government units (LGUs) sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto.

Sa mga nakaraang taon, unti-unting nabawasan ang papel ng LGUs sa mga proyektong pinopondohan ng national government. Nagsimula ito noong 2014 nang alisin sa General Appropriations Act ang mga probisyong nagpapahintulot sa DPWH na ipasa sa mga lokal na pamahalaan ang implementasyon ng mga proyekto.

Ayon kay Dizon, “Ang mga LGU ang mas nakakaalam ng tunay na pangangailangan ng kanilang mga komunidad. Dapat silang muling bigyan ng papel sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto.” Siniguro rin niyang isusulong niya ang pagbabalik ng kapangyarihan ng LGUs upang maiwasan ang pag-aaksaya ng pondo at mas matugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan.

Bukod sa isyung ito, inihayag din ni Dizon ang plano niyang magsagawa ng “clean slate” sa loob ng DPWH, kabilang ang paghingi ng courtesy resignations mula sa mga opisyal ng ahensya bilang tugon sa mga anomalya sa flood control projects. “Kailangan siyang gawin kasi nakita ng Pangulo, nakita nating lahat ang nangyari sa ahensyang ito,” ani Dizon sa isang briefing sa Malacañang.

Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na reporma sa DPWH upang matiyak ang integridad ng mga proyekto at ang tamang paggamit ng pondo ng bayan.