Dahil ba sa magaganap na malawakang protesta? US trip ni Marcos hindi na matutuloy
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-16 18:15:44
MANILA — Hindi dadalo si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa 80th Session ng United Nations General Assembly (UNGA 80) High Level Week sa New York City sa susunod na linggo upang ituon ang kaniyang oras sa mga usaping pambansa.
Sa halip, si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro ang itatalaga ng Pangulo upang katawanin ang Pilipinas sa UNGA 80 na magsisimula sa Setyembre 22.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, “The President has delegated his engagements at the UNGA to the Secretary of Foreign Affairs to allow him to focus on local issues.”
Hindi malinaw kung ang desisyon ay may kinalaman din sa mga nakatakdang malawakang kilos-protesta sa Setyembre 21, kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law. Gayunman, ilang sektor ang nagtatanong kung ito rin ang isa sa mga dahilan kaya’t piniling huwag bumiyahe ng Pangulo.
Samantala, abala si Marcos sa iba’t ibang aktibidad sa bansa nitong Lunes. Kabilang dito ang pag-anunsyo ng kompletong komposisyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tututok sa mga iregularidad sa flood control at iba pang proyektong pang-imprastruktura.
Tumungo rin siya sa San Pablo City, Laguna para pangunahan ang inagurasyon at pamamahagi ng mahigit 1,000 bagong pabahay sa St. Barts Southville Heights para sa mga pamilyang naapektuhan ng Philippine National Railways (PNR) South Long Haul Project.
Sa Tuy, Batangas, pinangunahan ng Pangulo ang energization ng Citicore Solar Batangas 1 Power Plants na layong palakasin ang renewable energy portfolio ng bansa.
Sa hapon naman ay dinaluhan niya ang “Tara, Basa! Tutoring Program” National Culminating Activity sa University of Makati upang suportahan ang pagbibigay ng reading at learning support sa kabataan.