Diskurso PH
Translate the website into your language:

Babuyan Islands, nananawagan ng tulong matapos hagupitin ni bagyong Nando

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-09-24 22:12:29 Babuyan Islands, nananawagan ng tulong matapos hagupitin ni bagyong Nando

BABUYAN ISLANDS — Humihingi ngayon ng tulong ang mga residente ng Babuyan Islands matapos silang salantain ng Super Typhoon Nando, na nanalasa nitong mga nakalipas na araw.

Maraming kabahayan ang ganap na nawasak at halos hindi na matirhan, kabilang na ang mga paaralan at tindahan na nagsilbing pangunahing kabuhayan ng mga residente. Hindi rin nakaligtas ang mga bangka sa pangingisda, na pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng mga taga-isla.

Ayon kay Ines Noblejas, kabilang sa mga ginamit na evacuation center ang Babuyan Fellowship Christian Church, subalit ito’y winasak din ng bagyo. Dagdag pa niya, maraming mga bata at matatanda ang nakararanas ng trauma at kagyat na nangangailangan ng pagkain, tubig, at medikal na tulong.

Matatandaang isinailalim sa Signal No. 5 ang Babuyan Islands dahil sa bagyong Nando, dahilan upang lubos na maapektuhan ang pamumuhay ng mga residente.

Sa ngayon, umaapela ang mga taga-Babuyan para sa agarang aksyon mula sa pamahalaan at mga relief organizations upang maibsan ang kanilang dinaranas na matinding pinsala at kakulangan sa pangunahing pangangailangan. (Larawan: Elbert Tomas / Fb)