Kalansay ng tao, natagpuan sa Mt. Isarog Natural Park sa Naga
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-24 22:22:53
NAGACITY — Isang kalansay ng tao ang natagpuan sa loob ng Mt. Isarog Natural Park ngayong Martes, Setyembre 23, na nagdulot ng pag-aalala at maraming katanungan mula sa mga lokal na residente.
Ayon kay Alex San Jose, OIC Chief ng Watershed Management Division ng Naga City Environment and Natural Resources Office (ENRO), pasado alas-10 ng umaga nang ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang pagkakadiskubre ng mga labi. Kaagad namang nakipag-ugnayan ang kanilang opisina sa mga otoridad upang magsagawa ng beripikasyon at agarang imbestigasyon sa lugar.
Sa ngayon, hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng naturang labi. Ayon sa pulisya, susuriin ito sa pamamagitan ng forensic examination upang matukoy ang identidad ng biktima at ang posibleng sanhi ng pagkamatay. Isa rin sa mga tinitingnang anggulo ay kung may foul play na sangkot sa insidente o kung ito ay maaaring kaso ng nawawalang hiker o residente sa paligid ng bundok.
Ang Mt. Isarog Natural Park, na matatagpuan sa Camarines Sur, ay kilala bilang isang protected area at paboritong destinasyon ng mga nature trekkers at mountaineers. Dahil sa lawak at luntiang kagubatan nito, hindi maiiwasan na may mga naitatala ring kaso ng mga nawawala o nahihirapang bumaba mula sa bundok.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente, at nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga barangay malapit sa Mt. Isarog para malaman kung may naitalang kaso ng nawawalang tao kamakailan. Hangad ng lokal na pamahalaan na agad matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima upang maibigay ang karampatang hustisya at closure para sa pamilya nito. (Larawan: Naga City ENRO / Fb)