Diskurso PH
Translate the website into your language:

Dating Pangulong Duterte, natagpuang walang malay sa loob ng detention room

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-09-27 19:00:16 Dating Pangulong Duterte, natagpuang walang malay sa loob ng detention room

Seryembre 27, 2025 – Nagpahayag ng pangamba si Bise Presidente Sara Duterte matapos makatanggap ng ulat na natagpuang walang malay si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa loob ng kaniyang detention room sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.


Ayon kay VP Duterte, ang insidente ay naganap nang walang paunang abiso sa pamilya. “Wala kaming natanggap na impormasyon o paliwanag mula sa ICC hinggil sa kalagayan ng aking ama,” ani niya. Dagdag pa niya, ang ganitong sitwasyon ay nagdudulot ng pangamba sa kakayahan ng ICC na masiguro ang seguridad at kaligtasan ni FPRRD.


Batay sa impormasyon mula sa kanilang mga pinagkakatiwalaang tauhan, natagpuan si dating Pangulong Duterte na nakahiga sa sahig ng detention room at agad na isinailalim sa mga medikal na pagsusuri. Hindi malinaw kung ano ang naging sanhi ng pagkawala niya ng malay.


Kinuwestiyon ni VP Duterte ang umano’y “welfare check” na isinagawa ng ilang opisyal mula sa Philippine Embassy sa The Hague. Ayon sa kanya, pumasok ang mga opisyal sa detention unit sa hindi malinaw na dahilan at walang abiso sa pamilya, na nagdulot ng karagdagang pag-aalala.


Ang dating Pangulo ay inaresto noong Marso 2025 kaugnay ng mga kasong crimes against humanity sa ICC, na may kinalaman sa kaniyang war on drugs noong siya ay alkalde ng Davao at Pangulo ng bansa. Kasama sa mga akusasyon ang higit sa 70 na insidente ng pagpatay mula 2011 hanggang 2019.


Hanggang sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang ICC hinggil sa insidente. Samantala, patuloy na binabantayan ng pamilya Duterte ang kalagayan ng dating pangulo at nananatiling bukas ang publiko sa anumang susunod na ulat mula sa ICC.