Diskurso PH
Translate the website into your language:

Rep. Benitez: Buwagin na ang DPWH, palitan ng bagong ahensya

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-09-27 14:10:02 Rep. Benitez: Buwagin na ang DPWH, palitan ng bagong ahensya

MANILA — Sa gitna ng lumalalang kontrobersya sa mga flood control projects ng pamahalaan, nanawagan si Bacolod Representative Albee Benitez na buwagin na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at palitan ito ng bagong ahensya na may mas mahigpit na mekanismo laban sa korupsyon.

Sa isang pahayag, tahasang tinanong ni Benitez kung sapat pa ba ang mga reporma upang ayusin ang DPWH o kung mas mainam nang “dismantle and replace it altogether?” Ayon sa kongresista, ang pagbuwag sa ahensya ay maaaring maging praktikal na solusyon upang tuldukan ang sistematikong katiwalian na matagal nang bumabalot sa DPWH.

“Nakita na natin sa mga imbestigasyon ng Kongreso ang malalim na sabwatan ng ilang opisyal ng DPWH sa mga contractor at mambabatas para makakuha ng kickback sa mga proyekto,” ani Benitez. Dagdag pa niya, “Hindi na ito simpleng kapabayaan. Isa itong organisadong pagnanakaw sa kaban ng bayan.”

Batay sa mga ulat ng House Committee on Appropriations at Senate Blue Ribbon Committee, tinatayang papalo sa trilyong piso ang nawawalang pondo mula sa flood control projects sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula 2022 hanggang 2025. Kabilang sa mga nadiskubreng anomalya ay ang mga ghost projects, substandard infrastructure, at fake installations gaya ng mga tubo sa La Union na mistulang props lamang.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) na binuo ng Pangulo upang siyasatin ang mga proyekto ng DPWH. Iniutos na rin ni Marcos ang paglipat ng ₱255.5 bilyon mula sa flood control budget ng DPWH patungo sa mga prayoridad na programa ng ibang ahensya tulad ng DSWD, DOH, DA, at PhilHealth.

Habang wala pang pormal na panukalang batas para sa pagbuwag ng DPWH, inaasahang magiging sentro ito ng mga deliberasyon sa Kongreso sa mga susunod na linggo. Nanawagan si Benitez sa kanyang mga kapwa mambabatas na pag-isipan ang mas malalim na reporma sa imprastruktura ng bansa. “Kung gusto nating wakasan ang korupsyon, hindi sapat ang patchwork solutions. Kailangan ng bagong simula,” aniya.