Palasyo bukas sa interim release ni Duterte habang dinidinig ang kaso
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-09-27 14:10:03
MANILA — Ipinabatid ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na hindi tututol ang Malacañang sakaling pahintulutan ng korte ang pansamantalang paglaya ng dating pinuno habang dinidinig ang mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs.
Sa dokumentong isinumite sa Pre-Trial Chamber I noong Setyembre 26, sinabi ng lead counsel ni Duterte na si Nicholas Kaufman na “the Philippine government has now contemplated without objection” ang hiling para sa interim release ng dating pangulo sa isang hindi pa tinutukoy na bansa. Binanggit ni Kaufman ang pahayag ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa isang press briefing noong Setyembre 24: “Whatever the decision of the International Criminal Court, the government of President Ferdinand Marcos Jr. will accept it.”
Ang pahayag ay kasunod ng mga pagbisita ni Vice President Sara Duterte sa The Hague, kung saan nakakulong ang kanyang ama mula pa noong Marso 13. Ayon sa Bise Presidente, may isang “third country” na pumayag na tumanggap kay Duterte sakaling aprubahan ng ICC ang pansamantalang paglaya, ngunit hindi niya tinukoy kung aling bansa ito. Sinabi lamang niya na hindi ito Japan o Australia.
Matatandaang noong Hunyo 12, unang humiling ng interim release ang kampo ni Duterte, na iginiit na ang dating pangulo ay hindi flight risk, hindi makakaapekto sa proceedings, at hindi na magpapatuloy sa anumang krimen. Dagdag pa nila, may mga humanitarian grounds na dapat isaalang-alang, kabilang ang kalagayan ng kalusugan ni Duterte.
Sa mga naunang filing, sinabi ni Kaufman na ang kanyang kliyente ay hindi na fit to stand trial dahil sa umano’y “impaired memory and inability to recall events, places, or even members of his family.” Dahil dito, hiniling ng kampo na ipagpaliban ang lahat ng legal proceedings sa ICC.
Bagama’t bukas ang Malacañang sa anumang desisyon ng ICC, nananatiling tutol ang ICC prosecutor sa hiling ng pansamantalang paglaya. Ayon sa prosekusyon, nananatiling mahalaga ang pagkakakulong ni Duterte upang matiyak ang integridad ng proseso at maiwasan ang posibleng pag-ulit ng mga krimen.
Patuloy ang deliberasyon ng ICC kaugnay ng hiling na interim release, habang inaasahan ang tugon mula sa host country (Netherlands) at sa ikatlong bansang handang tumanggap kay Duterte.