Sunog tumupok sa commercial building sa Aborlan, Palawan; sanhi at halaga ng pinsala, iniimbestigahan
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-09-27 22:52:32
ABORLAN, PALAWAN — Isang malaking sunog ang sumiklab kaninang umaga, Setyembre 27, 2025, sa isang commercial building na nakatayo sa kahabaan ng National Highway sa bayan ng Aborlan.
Batay sa kuhang video ng mga residente, mabilis na kumalat ang apoy at makapal na usok ang namuo mula sa gusali na agad ikinabahala ng mga dumaraan at karatig tindahan. Ilang minuto matapos mapansin ang apoy, dumating ang mga tauhan ng Aborlan Fire Station upang apulahin ang sunog.
Apektado ng insidente ang ilang establisimyento kabilang ang isang appliance center, opisina ng Aborlan Water District, isang motorcycle parts shop, at isang pharmacy. Nadamay rin ang paninda at kagamitan ng hindi bababa sa limang tenants ng gusali.
Sa ngayon, wala pang napaulat na nasaktan o nasawi, subalit nagdulot ng matinding pagkabahala ang insidente sa mga residente at negosyante sa paligid. Ilan sa mga saksi ay nagsabing bigla na lamang kumapal ang usok mula sa loob ng gusali bago tuluyang lumaki ang apoy.
Patuloy na iniimbestigahan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang sanhi ng sunog at tinataya pa rin ang kabuuang halaga ng pinsalang iniwan nito. Posibleng umabot sa milyon ang danyos dahil sa lawak ng naapektuhang negosyo at opisina.
Samantala, inaalam din kung maaapektuhan ang operasyon ng Aborlan Water District matapos masunog ang kanilang opisina sa gusali. Nagpahayag naman ang ilang lokal na opisyal na kanilang tutulungan ang mga negosyong naapektuhan habang hinihintay ang opisyal na resulta ng imbestigasyon ng BFP.
Hanggang sa ngayon, nananatiling bantay ang mga bombero sa lugar upang matiyak na wala nang muling pagliyab mula sa mga natitirang debris.
larawan/facebook