Diskurso PH
Translate the website into your language:

1 patay at 1 sugatan sa banggaan ng wing van sa Pagbilao, Quezon

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-05 22:49:15 1 patay at 1 sugatan sa banggaan ng wing van sa Pagbilao, Quezon

PAGBILAO, QUEZON Isa ang nasawi habang isa naman ang sugatan matapos sumemplang ang isang wing van sa bahagi ng Sitio Amao, Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon, nitong Sabado, Oktubre 4, 2025, bandang 1:11 ng hapon.

Batay sa inisyal na ulat, binabaybay ng wing van ang Maharlika Highway patungong silangang bahagi ng bayan nang bigla umanong mawalan ng kontrol ang driver sa manibela. Sa lakas ng takbo, bumangga ito sa bahagi ng tulay at tuluyang tumaob sa gilid ng kalsada. Dahil sa tindi ng impact, agad na nasawi ang driver habang ang pahinante naman ay nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo at katawan.

Agad na rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Barangay Silangang Malicboy BDRRMC, Emergency Response Team (ERT), PNP, BFP Pagbilao, BFP SRU, at ilang concerned citizens upang magsagawa ng unang lunas at agarang mailipat ang sugatang biktima sa pinakamalapit na pagamutan.

Isinagawa rin ng mga awtoridad ang assessment at retrieval operations upang maalis ang mga labi ng sasakyan at masigurong ligtas muli ang daanan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng Pagbilao Police Station ang insidente upang malaman kung mechanical failure, overspeeding, o human error ang naging sanhi ng aksidente.

Samantala, nanawagan ang mga otoridad sa mga motorista na magdoble-ingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga bahagi ng kalsadang madulas at may kurbada, upang maiwasan ang ganitong trahedya. (Larawan: Pagbilao MDRRM / Facebook)