Diskurso PH
Translate the website into your language:

Lalaki, patay matapos hampasin ng kahoy sa ulo ng dati niyang nakaaway

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-05 22:27:42 Lalaki, patay matapos hampasin ng kahoy sa ulo ng dati niyang nakaaway

NARRA, PALAWAN — Patay ang isang 42-anyos na lalaki matapos umano siyang hampasin ng kahoy ng dati niyang nakaalitan sa Barangay Princess Urduja, bayan ng Narra, Palawan, nitong Sabado ng gabi, Oktubre 4, 2025.

Kinilala ng mga otoridad ang biktima sa alyas na “Maximo,” habang ang suspek naman ay tinukoy bilang “Armando,” 49-anyos, kapwa residente ng naturang barangay.

Ayon sa PNP Narra, nakatanggap sila ng tawag mula kay Barangay Captain Roderick Quinto kaugnay ng natagpuang bangkay sa isang bakanteng lote sa lugar. Agad namang rumesponde ang mga pulis at barangay tanod sa pinangyarihan ng krimen.

Sa isinagawang imbestigasyon, lumalabas na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa bago ang insidente. Dahil umano sa matagal nang alitan, nauwi ito sa pananakit kung saan sinuntok at hinampas ng matigas na kahoy ni Armando ang biktima bago mabilis na tumakas.

Mahigit isang oras matapos ang insidente, natagpuan ng mga kaanak si Maximo na wala nang buhay at may mga sugat sa ulo at katawan.

Patuloy ang manhunt operation ng Narra PNP laban sa suspek na kasalukuyang pinaghahanap. Isasailalim naman sa post-mortem examination ang bangkay upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.

Nanawagan ang mga awtoridad sa publiko na agad mag-ulat kung may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng suspek upang agad itong maaresto at mapanagot sa batas. (Larawan: Google)