Top 8 most wanted na dating gwardiya , arestado sa kasong rape sa Dumaguete
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-10-05 23:14:38
Ang suspek, na residente ng Bayawan City, ay dinakip sa bisa ng warrant of arrest para sa three counts ng panggagahasa (rape). Walang piyansang inirekomenda sa kaso.
Batay sa ulat ng pulisya, tinakot umano ng suspek ang biktima na papatayin ito sakaling magsumbong sa mga awtoridad, dahilan upang matagal bago naipaabot sa pulisya ang insidente.
Ayon sa Police Regional Office–Negros Island Region (PRO-NIR), kabilang ang naturang suspek sa mga most wanted persons sa rehiyon, kung saan siya ang pangwalo (Top 8) sa listahan.
Ipinahayag ni Police Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, direktor ng PRO-NIR, na ang pagkakaaresto sa suspek ay patunay ng patuloy na dedikasyon ng kapulisan sa pagpapatupad ng hustisya at sa pagpapanagot ng mga lumalabag sa batas.
“Ang tagumpay na ito ay simbolo ng ating walang humpay na pagsisikap na protektahan ang publiko at tiyaking makakamit ng mga biktima ang hustisya,” ani Ibay.
Dagdag pa niya, mahalaga ang pakikipagtulungan ng mamamayan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa mga komunidad.
Hinikayat ng PRO-NIR ang publiko na maging mapagmatyag at agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinala o ilegal na aktibidad sa kanilang lugar.
larawan/google