Bangkay ng lalaki, natagpuan sa mangrove area sa Diit, Tacloban City
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-05 23:39:33
TACLOBAN CITY — Natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng isang lalaki sa may Sitio Caliro, Barangay Diit, Tacloban City, bandang alas-8:30 ng umaga nitong Sabado, Oktubre 4.
Ayon sa ulat ng Field Law Enforcement Team (FLET), ang katawan ng biktima ay natagpuan na hubo’t hubad sa bahagi ng mga mangrove trees sa nasabing lugar. Tinatayang nasa 60 taong gulang ang biktima na nakilala lamang sa alyas na “Putol.”
Sa kasalukuyan, patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagkamatay ng lalaki. Sinusuri rin kung may foul play na sangkot sa insidente.
Nag-iimbestiga rin ang mga pulis at kinakausap ang mga residente sa paligid upang makakalap ng karagdagang impormasyon kung may nakakita o nakakakilala sa biktima bago mangyari ang insidente.
Dinala na ang bangkay sa isang funeral parlor sa Tacloban City para sa post-mortem examination, habang patuloy pa ring hinahanap ng mga awtoridad ang mga kaanak ng nasawi.
Dahil sa insidente, nananawagan ang mga residente sa lokal na pamahalaan at kapulisan na paigtingin ang seguridad at pagbabantay sa lugar upang maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari. (Larawan: FLET / Facebook)