Lacson: tsismis ng panibagong Senate coup, ‘old rehashed psywar tactic’ lang
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-05 20:18:05
OKTUBRE 5, 2025 — Walang katotohanan ang kumakalat na balita tungkol sa panibagong balasahan sa liderato ng Senado, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson. Giit niya, matagal nang ginagamit ang ganitong taktika para guluhin ang hanay ng mayorya.
“Not true. It’s the same old rehashed psywar tactic all over again intended to confuse and sow intrigue among members of the majority,” pahayag ni Lacson.
(Hindi totoo. Lumang estilo na ng psywar ito na layong guluhin at pag-awayin ang mga nasa mayorya.)
Lumutang ang usapin matapos mapabalitang may ilang senador umano ang nagbabalak na sumuporta kay Senate Minority Leader Alan Cayetano bilang kapalit ni Senate President Vicente Sotto III. Matatandaang si Sotto ay muling naupo bilang pangulo ng Senado mahigit isang buwan pa lang ang nakalilipas.
Bagamat inamin ni Sen. JV Ejercito na siya at apat pang senador ay nag-isip na kumalas sa majority bloc upang maging independent, nilinaw niyang walang aktuwal na hakbang para palitan si Sotto.
Kasabay nito, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga iregularidad sa flood control projects.
Samantala, nanindigan si Sen. Sherwin Gatchalian na matatag ang pamumuno ni Sotto. Sa panayam sa radyo, pinuri niya ang pagiging aktibo nito sa pagsusulong ng transparency sa budget deliberations.
“Sa akin, very stable naman ang leadership ni Sen. Sotto,” ani Gatchalian.
“In fact, sa kanya nanggaling itong suggestion na sa floor niya lang tayo mag-amend para maging transparent. At nag-agree na rin kami kasama ang ating Pangulo na hindi na namin i-implement yung Certificate of Urgency sa budget,” dagdag pa niya.
Hindi na idinetalye ni Gatchalian ang naging usapan nila ni Ejercito, at sinabing nakatutok sila ngayon sa pambansang budget at pagtulong sa mga nasalanta ng lindol sa Cebu.
(Larawan: Ping Lacson)