Gov. Sol Aragones,emosyonal na inamin ang pakikipaglaban sa cancer sa kanyang Ika-100 araw ng panunungkulan
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-10-09 18:55:30
Sta. Cruz, Laguna — Naging emosyonal si Governor Sol Aragones sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-100 araw ng kanyang panunungkulan bilang gobernador ng Lalawigan ng Laguna, matapos niyang ibunyag sa publiko na siya ay dumaan sa pagsubok ng pagkakaroon ng cancer.
Sa harap ng mga opisyal at mamamayan ng lalawigan, inamin ng gobernadora na isa ito sa pinakamabigat na hamon na kanyang kinaharap sa gitna ng kanyang tungkulin bilang ina, lingkod-bayan, at pinuno ng probinsya.
Ayon sa kanya, ito ay isang mahigpit na pagsubok na nagpatatag sa kanyang pananampalataya at paninindigang maglingkod sa kapwa.
“Tunay na mabait ang Panginoon. Sa halip na manghina, mas pinili kong tumindig at ipagpatuloy ang laban para sa mga kababayan natin sa Laguna,” pahayag ng gobernadora.
Ibinahagi rin niya na agad siyang sumailalim sa pagsusuri ng mga doktor matapos makaramdam ng bukol sa kanyang dibdib. Nang malaman ang posibilidad na cancer ang dahilan nito, hindi na siya nagpatumpik-tumpik at agad itong ipinagamot.
Ayon sa kanya, matagumpay ang naging opersayon at ligtas nang ganap mula sa sakit , dahilan upang higit pa niyang pahalagahan ang kalusugan at serbisyo publiko.
Matapos ang overnight na pagka confine sa hospital agad siyang nag padischarge upang tupdin ang gawain bilang gobernadora.
“Ang karanasang ito ay nagpatibay sa akin. Mas lalo kong nauunawaan ngayon ang kahalagahan ng malasakit at pagkalinga — hindi lang sa sarili, kundi sa kapwa,” dagdag ng gobernadora.
Sa kanyang ulat, binigyang-diin ng gobernadora ang patuloy na pagtutok sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan, agrikultura at iba pa na aniya ay mga pangunahing haligi ng GOByernong may SOLusyon.
larawan/akaynisolfbpage