Magnitude 7.6 na lindol yumanig sa Davao Oriental; tsunami warning, itinaas ng PHIVOLCS
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-10 10:45:50
MANAY, DAVAO ORIENTAL — Isang malakas na lindol na may lakas na magnitude 7.6 ang naitala sa karagatan malapit sa bayan ng Manay, Davao Oriental ngayong Biyernes ng umaga, 9:43 AM, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa ulat, ang lindol ay may lalim na 10 kilometro at matatagpuan 62 kilometro southeast ng Manay. Dahil sa lakas nito, nagtaas ng tsunami warning ang PHIVOLCS para sa mga baybaying lugar sa Mindanao at Visayas, partikular sa mga enclosed bays at straits kung saan maaaring umabot sa mahigit isang metro ang taas ng alon.
Nagbabala ang ahensya na ang unang tsunami waves ay maaaring dumating sa pagitan ng 9:43 AM at 11:43 AM, kaya pinayuhan ang mga residente sa coastal areas na lumikas patungo sa mas mataas na lugar at lumayo sa dalampasigan.
Naglabas din ng advisory ang PHIVOLCS na maaaring magkaroon ng mga aftershocks at posibleng pinsala sa mga imprastruktura, lalo na sa mga lugar na malapit sa epicenter.
Patuloy ang monitoring ng PHIVOLCS at ng mga lokal na disaster response teams. Inaasahan ang karagdagang update habang sinusuri ang epekto ng lindol sa mga kalapit na probinsya.