Dinutdot ang palad? Councilor Eunice Castro, ibinunyag ang umano’y sexual harassment ni Coun. Ryan Ponce
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-10 09:27:58
MANILA — Sa gitna ng regular na sesyon ng Konseho ng Maynila, emosyonal na isiniwalat ni Councilor Eunice Castro ang umano’y paulit-ulit na pambabastos sa kanya ng kapwa konsehal na si Ryan Ponce. Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Castro: “Kaya, kagalang-galang Ryan Ponce, shame on you for treating us women like an object. Wala naman akong pinakitang hindi maganda sa’yo. Bakit mo ako binabastos?”
Ayon kay Castro, ilang beses siyang nakaranas ng hindi kanais-nais na kilos mula kay Ponce, kabilang ang insidente kung saan “kinamayan niya ako at dinutdot ang aking palad ng ilang beses.”
Isinalaysay din niya ang isang pagkakataon kung saan “Gusto lang kitang batiiin na ang galing mong magsalita. Suminyales ako sa iyo ng high five, binaba ako, anong ginawa mo? Dinudot mo na naman yung kamay ko.”
Bukod sa pisikal na kilos, ibinahagi rin ni Castro na tinanong siya ni Ponce tungkol sa isang uri ng masahe. “Tinanong ako ng isang konsehal na kausap natin. Ang sagot ko, hindi ko alam. At ginooggle niya, ang lumabas: a massage that focuses on the female genitalia,” aniya.
Dagdag pa ni Castro, may mga pagkakataon din umanong pinapansin ni Ponce ang kanyang pananamit at nagpapadala ng mga mensaheng may sexual undertones. “Marami ka ring binurang mga random messages mo sa akin. Katulad ng ‘nakasitro ka kanina,’ ‘Good morning, sexy!’ ‘Inaabangan ko ang suot at buhok mo kanina,’ ‘Patingin muna ng good morning face mo at pantulog mo para good morning talaga,’” pagbubunyag niya.
Sa kanyang panawagan, sinabi ni Castro: “Sa mga kapwa ko babae sa lungsod ng Maynila, sa buong Pilipinas, at sa buong mundo, hindi niyo kailangan magpanggap para tratuhin kayo ng tama. At hindi kayo nag-iisa. Hinihikayat ko kayong lahat, huwag mangamba. Huwag magsarili. Huwag mag-isa. Huwag magkulong. Huwag matakot. Wala tayong dapat ikahiya. Dapat rito sa taong abusado sa atin, tinatayuan, tinatawag, nilalabanan sa tamang paraan.”
Nagpahayag ng suporta si Manila Vice Mayor Chi Atienza, at inirekomendang ipadala ang usapin sa Committee on Ethics ng Konseho. “I stand with Councilor Eunice Castro… Finally, there is a woman who stands for them,” ani Atienza, sabay diin na hindi dapat kinukunsinti ang sexual innuendos sa loob ng konseho.
Sa huli, humingi ng paumanhin si Councilor Ryan Ponce. “Ako po ay tumayo rito hindi po para ipagtanggol ang aking sarili. Ako po ay tumayo rito para buong pusong, buong kababaang loob na humingi ng paumanhin sa aking nagawa, sa aking nasabi,” aniya. Tinatanggap daw niya ang kanyang pananagutan at nangakong magiging mas maingat sa kanyang mga kilos.
“Napakasakit po na ang isang tao, napakalapit po sa akin, ay nasaktan ko ang kanyang pamilya. Kaya, huli, ay lumuhod po ako bilang pagtanaw ng aking pananagutan at buong puso po humingi ng kapatawaran,” dagdag ni Ponce.