Lingguhang kilos protesta kontra korapsyon, sisimulan ngayong Biyernes
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-09 19:24:35
OKTUBRE 9, 2026 — Magsisimula ngayong Oktubre 10 ang serye ng mga protesta tuwing Biyernes bilang bahagi ng kampanya laban sa korapsyon na pinangungunahan ng Trillion Peso March. Layunin nitong paigtingin ang panawagan para sa pananagutan ng mga nasa kapangyarihan bago ang nakatakdang pambansang pagtitipon sa Nobyembre 30.
Ayon sa mga tagapag-organisa, sabay-sabay ang mga aktibidad sa mga paaralan, opisina, simbahan, at komunidad. Kabilang sa mga plano ang noise barrage, paglalagay ng kandila, at mga pagtitipon sa mga pampublikong lugar. Isang misa rin ang idaraos sa Edsa Shrine.
Hinihikayat ang publiko na magdala ng kandila, plakard, at anumang gamit na maaaring lumikha ng ingay gaya ng pito, busina, kaldero, at kawali.
Ang Trillion Peso March ay sinusuportahan ng mahigit 80 organisasyong sibiko at pinamumunuan ng Church Leaders Council for National Transformation. Inilalarawan ito bilang moral na panawagan ng mamamayan laban sa katiwalian.
Sa isang pahayag sa Facebook noong Oktubre 7, sinabi ng grupo: “Join us in daily acts of solidarity: Wear a white ribbon. Put a white flag in your house, car, and churches. Toll the bells and sound a noise barrage, light candles at 8:00 p.m., and recite the National Day of Prayer and Public Repentance.”
(Makilahok sa araw-araw na pagkakaisa: Magsuot ng puting laso. Maglagay ng puting bandila sa bahay, sasakyan, at simbahan. Patunugin ang kampana at magsagawa ng noise barrage, sindihan ang kandila tuwing alas-8 ng gabi, at bigkasin ang National Day of Prayer and Public Repentance.)
Ang Bonifacio Day sa Nobyembre 30 ang inaasahang magiging rurok ng mga pagkilos, kung saan mahigit 100 grupo ang inaasahang dadalo.
Samantala, ayon kay Teodoro “Teddy” Casiño ng Bagong Alyansang Makabayan, may mga mungkahing magdaos pa ng isa pang malaking rally ngayong Oktubre.
“There are suggestions that, aside from the one on November 30, another big centralized rally should also be held this month,” aniya.
(May mga mungkahing bukod sa Nobyembre 30, dapat magkaroon pa ng isa pang malaking pagtitipon ngayong buwan.)
Dagdag pa niya, “The various sectors are also preparing their own mass actions, which we are encouraging because of what we are seeing.”
(Naghahanda rin ang iba’t ibang sektor ng kani-kanilang pagkilos, na aming hinihikayat dahil sa mga pangyayaring ating nasasaksihan.)
(Larawan: Reddit)