Missing beauty queen: Kaso ng kidnapping at serious illegal detention laban sa police major at aide ibinasura ng korte
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-09 22:51:27
CAMP VICENTE LIM, Laguna — Matapos ang mahigit dalawang taong legal na labanan, ibinasura ng Batangas Regional Trial Court ang kasong kidnapping at serious illegal detention laban kay dismissed Police Major Allan De Castro at sa kanyang aide-bodyguard na si Jeffrey Magpantay, alyas “Jepoy,” kaugnay ng kontrobersyal na pagkawala ng beauty pageant candidate na si Catherine Camilon noong Oktubre 12, 2023.
Ayon sa 6-pahinang resolusyon na nilagdaan ni Presiding Judge Jacqueline Palmes ng Branch 3, Regional Trial Court, Fourth Judicial Region sa Batangas City noong Oktubre 7, 2025, hindi sapat ang mga ebidensya, kabilang ang testimonya ng mga testigo, upang mapatunayang nagkasala ang mga akusado sa mga kasong inihain laban sa kanila.
Naresolba rin ng korte ang Demurrers of Evidence na inihain ni De Castro noong Setyembre 16, 2025, habang si Magpantay ay naghain ng katulad na petisyon noong Setyembre 11, 2025. Sa parehong resolusyon, pinayagan ng korte ang kahilingan ng mga akusado at iniutos ang dismissal ng kaso.
Dismaya ang ina ni Catherine na si Gng. Rosario sa naging desisyon ng korte. Ayon sa kanya, nagulat siya nang matanggap ng kanyang anak na si Ching-Ching, kapatid ni Catherine, ang resolusyon sa pamamagitan ng email. Idinagdag niya na may naka-iskedyul pa silang pagdinig sa Nobyembre 11, 2025, kaugnay sa Demurrers of Evidence na inihain ng mga akusado.
Noong Agosto 5, 2024, sinampahan ng Criminal Investigation and Detection Group 4A sa harap ng Provincial Prosecutor’s Office ang dalawang akusado ng kasong kidnapping at serious illegal detention. Matapos ang pagdinig noong Setyembre 24, 2024, nag-plead ng not guilty sina De Castro at Magpantay at parehong naghain ng petisyon para sa piyansa.
Iginiit ng mga akusado na nabigo ang prosekusyon na patunayan ang mga mahahalagang elemento ng krimen at ang antas ng kanilang partisipasyon sa diumano’y krimen. Dagdag pa nila, ang testimonya ng dalawang testigo ay batay sa sabi-sabi, walang ebidensya, at walang positibong pagkakakilanlan sa kanila bilang may gawa ng naturang krimen.
Sa ngayon, nananatiling hindi malinaw kung paano magpapatuloy ang kaso ni Catherine Camilon matapos ang desisyon ng korte, habang ang pamilya ng nawawalang beauty queen ay nananatiling naghahanap ng hustisya sa kabila ng pagkakabasura ng kaso laban sa mga akusado.