Tulfo, isinusulong ang ‘tax holiday’ sa gitna ng mga kontrobersya sa flood control
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-09 19:21:02
OKTUBRE 9, 2026 — Sa gitna ng lumalalang isyu sa mga proyektong pang-kontrol sa baha, isinulong ni Senador Erwin Tulfo ang panukalang isang buwang income tax holiday para sa mga manggagawang Filipino.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1446, na tinawag na “One-Month Tax Holiday of 2025,” layunin ni Tulfo na maibalik ang benepisyo sa mga ordinaryong empleyado matapos mabunyag ang umano’y katiwalian sa mga flood control project na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.
“The exposure of alleged anomalies on flood control projects, involving billions of pesos in public funds have gravely eroded public trust in government fiscal stewardship. The Filipino people have raised a clear and resounding clamor— ‘Ibalik ang pera ng bayan. Ibaba ang tax,’” pahayag ni Tulfo.
(Ang pagbubunyag ng mga umano’y anomalya sa mga proyekto sa baha, na sangkot ang bilyon-bilyong piso ng pondo ng bayan, ay matinding nakasira sa tiwala ng publiko sa pamahalaan. Malinaw ang sigaw ng taumbayan— ‘Ibalik ang pera ng bayan. Ibaba ang tax.’)
Dagdag pa niya, “The welfare of the people is the supreme law. It is therefore just and necessary that the State respond by providing tangible relief to the very taxpayers who sustain it.”
(Ang kapakanan ng mamamayan ang pinakamataas na batas. Kaya’t makatarungan at kinakailangan na tumugon ang Estado sa pamamagitan ng konkretong ginhawa para sa mismong mga nagbabayad ng buwis.)
Saklaw ng panukala ang mga empleyadong tumatanggap ng sahod, kung saan ang unang payroll month matapos maaprubahan ang batas ay hindi na papatawan ng income tax. Para sa mga may halo-halong kita, tanging bahagi ng sahod ang libre sa buwis.
Hindi kasama sa tax holiday ang mga kontribusyon sa GSIS, SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, pati na ang mga bayaring boluntaryong pinapabawas ng empleyado gaya ng loan amortization.
May probisyon din ang panukala na nagbabawal sa mga employer na bawasan ang sahod ng mga empleyado habang ipinatutupad ang tax holiday.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)