Diskurso PH
Translate the website into your language:

4 patay, 8 sugatan sa pag-araro ng Cargo Truck sa Lucena City

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-10-12 16:14:31 4 patay, 8 sugatan sa pag-araro ng Cargo Truck sa Lucena City

Lucena City, Quezon — Patuloy ang clearing operations sa bahagi ng Maharlika Highway, Brgy. Isabang, Lucena City matapos araruhin ng isang cargo truck ang ilang nakahimpil na sasakyan at isang bahay nang mawalan ito ng preno, bandang alas-11:20 ng gabi, Sabado, Oktubre 11, 2025.


Batay sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad, bumabaybay ang cargo truck sa pababang bahagi ng kalsada nang mawalan ito ng kontrol at tuluy-tuloy na sumalpok sa mga sasakyang nakaparada malapit sa Rotonda sa Isabang.


Sa lakas ng banggaan, labing-isang (11) pribadong sasakyan ang wasak, kabilang ang service vehicle ng isang lokal na istasyon ng radyo, na isa sa mga nasunog matapos ang insidente.


Kumpirmado ng Lucena City Police na apat (4) ang nasawi, kabilang ang driver ng cargo truck at tatlong sibilyang nadamay. Samantala, walo (8) pa ang nagtamo ng iba’t ibang sugat at kasalukuyang ginagamot sa mga ospital sa lungsod.


Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP)–Lucena at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) upang apulahin ang apoy at i-rescue ang mga nasugatan. Tumagal ng ilang oras ang clearing operations dahil sa lawak ng pinsalang idinulot ng aksidente.

Ayon sa paunang ulat, posibleng mechanical failure o pagkawala ng preno ang dahilan ng aksidente, ngunit patuloy pa rin ang imbestigasyon upang makumpirma ang tunay na sanhi.


Dahil sa insidente, pansamantalang isinara sa mga motorista ang bahagi ng Maharlika Highway habang isinasagawa ang clearing at retrieval operations. Nagdulot ito ng matinding trapiko sa ilang bahagi ng lungsod.


Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa mga trucking companies at driver na tiyaking nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.

larawan/facebook