Ganap nang batas, libreng serbisyo sa libing para sa mahihirap
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-10-12 23:05:24
MANILA — Ganap nang naging batas ang Republic Act No. 12309 o mas kilala bilang “Free Funeral Services Act” simula Setyembre 28, 2025, matapos ang 30-araw na pag-aantabay mula sa pagsusumite nito sa Malacañang, ayon sa Konstitusyon ng 1987. Layunin ng batas na magbigay ng libreng serbisyo sa libing para sa mga pamilyang mahihirap at nasa krisis, kabilang ang mga nasalanta ng kalamidad.
Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang implementasyon ng programa na naglalayong matulungan ang mga pamilya sa kanilang pinakamasakit na sandali. Sa ilalim ng batas, makikinabang ang mga kwalipikadong pamilya mula sa “Indigent Funeral Package” na naglalaman ng serbisyo tulad ng embalming, viewing o burol, tradisyunal na libing o cremation, transportasyon ng labi, at kabaong o urn.
Upang makapag-avail ng benepisyo, kinakailangan ng pamilya na magsumite ng death certificate, valid ID, kontrata sa funeral home, at social case study mula sa DSWD social worker. Ang mga funeral establishments na kasali sa programa ay babayaran ng DSWD regional offices base sa aprubadong kontrata, at kukunin ang pondo mula sa P44.75 billion na budget ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Nagbigay rin ng babala ang ahensya para sa mga lalabag sa batas. Ang mga funeral homes na hindi susunod sa regulasyon ay papatawan ng multang P400,000 at maaaring makansela ang lisensya. Samantala, ang mga mahuhuling magsusumite ng pekeng dokumento upang makakuha ng libreng serbisyo ay puwedeng makulong ng anim na buwan at pagmumultahin ng hanggang P500,000.
Ayon sa DSWD, malaking tulong ang batas para sa mga pamilyang nahihirapan sa gastusin sa libing. Nakakatulong ito upang magkaroon sila ng marangal na pagluluksa at libing nang hindi na kailangang mangutang o maghirap pa. Para sa karagdagang impormasyon, hinihikayat ang publiko na bumisita sa opisyal na website ng DSWD o makipag-ugnayan sa pinakamalapit na regional office.