Diskurso PH
Translate the website into your language:

China Coast Guard, muling inatake ang barko ng Pilipinas sa Pag-asa

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-12 21:13:26 China Coast Guard, muling inatake ang barko ng Pilipinas sa Pag-asa

OKTUBRE 12, 2025 — Isang barko ng China Coast Guard (CCG) ang umatake sa BRP Datu Pagbuaya ng Pilipinas sa karagatang sakop ng Pag-asa Island nitong Linggo ng umaga, ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG).

Habang nakaangkla ang BRP Datu Pagbuaya at dalawang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa paligid ng Pag-asa Island para magbigay proteksyon sa mga mangingisdang Pilipino, bigla silang hinarass ng mga barko ng CCG at Chinese Maritime Militia.

Bandang 8:15 a.m., lumapit nang mapanganib ang mga barko ng China at pinaandar ang kanilang water cannon bilang banta sa mga barko ng BFAR. Makalipas ang isang oras, 9:15 a.m., pinaputukan ng tubig ang BRP Datu Pagbuaya ng barkong may bow number 21559. Tatlong minuto lang ang lumipas, binangga ng parehong barko ng China ang likurang bahagi ng BRP Datu Pagbuaya.

Ayon kay Commodore Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG para sa West Philippine Sea, sinadyang banggain ang hulihan ng BRP Datu Pagbuaya, na nagdulot ng bahagyang sira sa istruktura. Wala namang nasaktan sa mga sakay.

Ang insidente ay bahagi ng patuloy na tensyon sa West Philippine Sea, kung saan paulit-ulit na tinataboy ng China ang mga barko ng Pilipinas sa mga lugar na malinaw na nasa loob ng teritoryo ng bansa.

Sa kabila ng insidente, nanindigan ang PCG at BFAR na hindi sila uurong sa kanilang tungkulin. 

“Despite these bullying tactics and aggressive actions, the PCG and BFAR remain resolute. We will not be intimidated or driven away, as our presence in the Kalayaan Island Group is crucial for protecting the rights and livelihoods of Filipino fishermen,” ani Tarriela. 

(Sa kabila ng pananakot at agresibong kilos, nananatiling matatag ang PCG at BFAR. Hindi kami magpapatakot o magpapalayas, dahil mahalaga ang aming presensya sa Kalayaan Island Group para ipagtanggol ang karapatan at kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.)

Samantala, itinuro ng China ang sisi sa Pilipinas. 

Ayon sa pahayag ni Liu Dejun ng Chinese Coast Guard, “Full responsibility lies with the Philippine side.” 

(Ang buong responsibilidad ay nasa panig ng Pilipinas.)

Matatandaang noong nakaraang buwan, isang tauhan ng BFAR ang nasugatan matapos basagin ng water cannon ng China ang salamin ng BRP Datu Gumbay Piang sa may Scarborough Shoal. Noong Agosto naman, nagbanggaan pa ang barko ng Chinese Navy at Coast Guard habang hinahabol ang patrol boat ng Pilipinas sa parehong lugar.

Patuloy ang paglala ng sitwasyon sa West Philippine Sea, habang tumitindi ang presensya ng China sa mga lugar na matagal nang pinangangalagaan ng mga Pilipino.

(Larawan: @jaytaryela | X)