Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tunnel na kokonekta sa Luzon, Visayas isinusulong sa Kongreso

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-12 16:32:50 Tunnel na kokonekta sa Luzon, Visayas isinusulong sa Kongreso

OKTUBRE 12, 2025 — Isinusulong sa Kamara ang pagtatayo ng isang permanenteng koneksyon sa lupa sa pagitan ng Luzon at Visayas sa pamamagitan ng isang panukalang batas na layong magtayo ng 28-kilometrong tulay o tunnel sa ilalim ng dagat sa San Bernardino Strait.

Pinangunahan ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Rep. Marcelino “Nonoy” Libanan ang paghahain ng House Bill No. 4589, kasama ang 17 iba pang mambabatas mula sa mga lalawigan ng Eastern Visayas at Southern Luzon. Target ng proyekto ang direktang ugnayan ng Sorsogon at Northern Samar.

Ayon kay Libanan, ang kasalukuyang sistema ng ferry sa pagitan ng Matnog at Allen ay madalas maantala dahil sa masamang panahon at siksikan sa pantalan. 

“Our people deserve a faster, safer, and more dependable connection,” aniya. 

(Nararapat sa ating mga kababayan ang mas mabilis, mas ligtas, at mas maaasahang koneksyon.)

Binanggit din ni Libanan ang pangmatagalang benepisyo ng proyekto sa ekonomiya, partikular sa kalakalan, turismo, at trabaho. 

“Once completed, the fixed link will boost inter-island commerce, attract investors, and open wider markets for local products. This is how we create new jobs and lift more families out of poverty,” giit niya.

(Kapag natapos, palalakasin ng tulay o tunnel ang kalakalan sa pagitan ng mga isla, hihikayat ng mga mamumuhunan, at magbubukas ng mas malawak na merkado para sa mga lokal na produkto. Ganito tayo lilikha ng trabaho at iaahon ang mga pamilya sa kahirapan.)

Bukod sa ekonomiya, binigyang-diin din ni Libanan ang kahalagahan ng proyekto sa disaster response. 

“The tunnel or bridge will allow quicker deployment of emergency services and delivery of relief supplies during calamities,” aniya. 

(Magpapabilis ang tulay o tunnel sa pagresponde ng mga serbisyong pang-emerhensiya at paghatid ng ayuda sa panahon ng sakuna.)

Ang Eastern Visayas ay kabilang sa mga rehiyong madalas tamaan ng bagyo, na umaabot sa 20 kada taon. Dahil dito, iginiit ni Libanan ang agarang pagsisimula ng proyekto. 

“Every year we delay this project is a year of lost opportunities. It’s time to make this vision a reality for the next generation,” pahayag niya. 

(Bawat taong naantala ang proyektong ito ay taon na nawalang oportunidad. Panahon na para gawing realidad ang vision na ito para sa susunod na henerasyon.)

Nakasaad sa panukala na ang feasibility study at engineering design ay isasagawa ng isang internasyonal na consulting firm na may karanasan sa mga ganitong uri ng proyekto. Ang pondo para rito ay ilalagay sa General Appropriations Act.

Kabilang sa mga co-author ng panukala sina Reps. Niko Daza, Edwin Ongchuan, Stephen Tan, Reynolds Tan, Christopher Gonzales, Roger Mercado, Christopherson Yap, Gerardo Espina Jr., Ferdinand Martin Romualdez, Lolita Javier, Anna Tuazon, Richard Gomez, Carl Cari, Andrew Romualdez, Jude Acidre, Yedda Romualdez, at Jonathan Abalos II.

(Larawan: Facebook)