Diskurso PH
Translate the website into your language:

2 Magnanakaw ng manok, arestado sa Candelaria

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-20 20:28:24 2 Magnanakaw ng manok, arestado sa Candelaria

CANDELARIA Dalawang lalaki ang naaresto matapos mahuling nagnanakaw ng mga manok sa isang poultry farm kung saan sila mismo ay mga empleyado, sa Barangay Buenavista West, Candelaria, Quezon kahapon.

Ayon sa inisyal na ulat ng mga awtoridad, tinangka umano ng mga suspek na ipuslit ang mahigit 332 buhay na manok na tinatayang nagkakahalaga ng ₱65,000. Natuklasan ang krimen nang mapansin ng isa sa mga supervisor ang kahina-hinalang kilos ng mga lalaki habang nagbubuhat ng mga kahon na umano’y may lamang manok palabas ng farm.

Agad ipinagbigay-alam sa Candelaria Municipal Police Station ang insidente, dahilan upang agad na maaresto ang dalawang kawatan. Samantala, dalawa pa nilang kasabwat ang nakatakas at patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang dalawang nahuling suspek at nahaharap sa kasong qualified theft. Ibinalik naman sa management ng poultry farm ang mga nasabing manok na kanilang nasagip.

Nagpaalala ang pulisya sa publiko at mga negosyante na palaging magpatupad ng mahigpit na seguridad sa kanilang mga establisyemento upang maiwasan ang ganitong uri ng insidente. (Larawan: Quezon PNP / Facebook)