Diskurso PH
Translate the website into your language:

Fuel tanker, nagliyab at sumabog sa Atimonan; Drayber patay, 7 sugatan

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-20 20:14:38 Fuel tanker, nagliyab at sumabog sa Atimonan; Drayber patay, 7 sugatan

ATIMONAN Patay ang driver ng isang fuel tanker habang pitong katao, kabilang ang mga sakay ng dalawang tricycle, ang sugatan matapos magliyab at sumabog ang isang fuel tanker sa Brgy. Malinao Ilaya, Atimonan, Quezon nitong Lunes ng umaga, Oktubre 20, 2025.

Ayon sa inisyal na ulat ng mga otoridad, bumabaybay umano ang fuel tanker sa national highway nang mawalan ng kontrol ang driver sa pagmamaneho. Dahil dito, sumalpok ang truck sa dalawang tricycle at ilang nakaparadang sasakyan bago tuluyang magliyab at sumabog. Ayon sa mga residente, malakas ang naging pagsabog at umabot sa ilang metro ang taas ng apoy, dahilan upang magdulot ng matinding takot at pagkataranta sa mga nakatira malapit sa lugar.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Atimonan at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang apulahin ang apoy na tumagal ng mahigit kalahating oras bago tuluyang naapula. Dinala naman sa pinakamalapit na ospital ang mga sugatan, habang agad na binawian ng buhay ang driver ng tanker na hindi pa kinikilala sa ngayon.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang malaman ang tunay na sanhi ng insidente at kung may pagkukulang sa panig ng kumpanya ng fuel tanker, kabilang ang kalagayan ng sasakyan bago bumiyahe. Pinayuhan naman ng lokal na pamahalaan ang mga motorista na maging maingat sa pagmamaneho, lalo na sa mga kalsadang madalas daanan ng malalaking truck at tanker. (Larawan: Ako Si Kiko / Facebook)