Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Maganda ang itinatakbo ng pag-iimbestiga ’ — Malacañang, positibo sa pag-usad ng ICI

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-10-20 23:48:22 ‘Maganda ang itinatakbo ng pag-iimbestiga ’ — Malacañang, positibo sa pag-usad ng ICI

MANILA Ipinahayag ng Malacañang na maayos at positibo ang direksyon ng isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) hinggil sa umano’y malawakang katiwalian sa mga flood control projects sa bansa.

Sa pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, sinabi niyang nakikita ng pamahalaan ang sistematikong daloy ng mga pagdinig na pinangungunahan ng ICI at ang pagiging maayos ng takbo ng imbestigasyon.

“Sa ngayon po, sa nakikita po natin, maganda po ang itinatakbo ng pag-iimbestiga ng ICI,” ayon kay Castro.

Dagdag pa ng opisyal, nagpapakita ng respeto at kooperasyon ang mga resource persons na ipinatatawag ng komisyon, at kusang tumutugon sa mga isyung inihaharap sa kanila. Pinuri rin ni Castro ang dedikasyon ng mga miyembro ng ICI sa pagtutok sa mga dokumento at ebidensiya na isinusumite para sa pagsusuri.

Bagaman wala pang inilalabas na opisyal na resulta o konklusyon ang ICI, tiniyak ng Malacañang na patuloy nilang sinusubaybayan ang takbo ng imbestigasyon at umaasang magbibigay ito ng malinaw na pananagutan sa mga sangkot kung mapapatunayan ang katiwalian.

Ang ICI ay binuo upang magsagawa ng independent probe sa mga proyektong pang-imprastraktura ng gobyerno, partikular na ang mga flood control projects na umani ng isyu ng korapsyon at overpricing. (Larawan: Wikipedia / Google)