Diskurso PH
Translate the website into your language:

Reklamo ni Ang laban kay Patidongan, hindi kinagat ng piskalya

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-10-20 18:32:59 Reklamo ni Ang laban kay Patidongan, hindi kinagat ng piskalya

OKTUBRE 20, 2025 — Ibinasura ng Mandaluyong City Prosecutor’s Office ang mga reklamong isinampa ni negosyanteng si Charlie “Atong” Ang laban kay Julie Patidongan, ang whistleblower sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa resolusyong may petsang Setyembre 30, 2025, kinatigan ng piskalya na walang sapat na ebidensyang magpapatunay ng kasong robbery, grave threats, grave coercion, slander, at incriminating an innocent person na inihain ni Ang.

Isa sa mga batayang reklamo ni Ang ay ang pag-uugnay sa kanya bilang “mastermind” sa pagkawala ng mga sabungero, batay sa isang TikTok post ng panayam sa telebisyon. Ngunit giit ng piskalya, walang maipakitang affidavit mula sa uploader ng nasabing post.

“Without this proof, the TikTok post remains an unverified, extrajudicial source that cannot be the sole basis for establishing identifiability in a criminal case,” ayon sa resolusyon. 

(Kung walang ganitong ebidensya, ang TikTok post ay nananatiling hindi beripikadong extrajudicial source na hindi maaaring gamiting batayan sa pagkakakilanlan sa isang kasong kriminal.)

Bukod dito, kinuwestiyon din ng piskalya ang alegasyon ng pananakot. Sa pagsusuri ng call logs sa pagitan nina Ang at Alan Bantiles — isa pang respondent — lumalabas na si Ang mismo ang tumatawag.

Pinuna rin ng piskalya ang patuloy na suporta ni Ang sa kandidatura ni Patidongan bilang alkalde noong 2025, bagay na taliwas sa sinasabing sabwatan para siya’y pagnakawan, dukutin, at patayin.

“If this were true, it would be difficult to reconcile how the complainant, a seasoned businessman of considerable resources and influence, would still choose to fund the very person allegedly orchestrating a criminal scheme against him devoid of any hesitation or visible precaution,” saad pa sa resolusyon. 

(Kung totoo ito, mahirap unawain kung paanong ang isang batikang negosyante na may yaman at impluwensiya ay patuloy na susuporta sa taong umano’y may balak na krimen laban sa kanya nang walang alinlangan o pag-iingat.)

Samantala, kinumpirma ni Atty. Gabriel Villareal, abogado ni Ang, na maghahain sila ng apela sa Department of Justice.

“We are preparing to appeal to the Secretary of Justice,” ani Villareal. 

(Naghahanda kaming umapela sa Secretary of Justice.)

(Larawan: Philippine News Agency | X)