‘CIA na ang nagpapatakbo sa gobyernong ito’ — Paolo Duterte
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-20 23:31:59
DAVAO CITY — Umalingawngaw sa politika ang matapang na pahayag ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte matapos niyang batikusin ang kasalukuyang administrasyon kaugnay ng kasong plunder at graft na isinampa laban sa dating Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis “Chavit” Singson.
Ayon kay Duterte, malinaw umano na ginagamit ang batas bilang sandata laban sa mga bumabatikos sa pamahalaan. “Nawala na ba ang kalayaan sa pagsasalita sa bansang ito? Ngayon, kahit sino na lang na bumabatikos sa administrasyon ay sinasampahan ng kaso. Ito ba ang tinatawag nilang bagong normal sa gobyerno?” ani ng kongresista.
Dagdag pa ni Duterte, kung tunay na hangarin ng administrasyon ang hustisya, dapat ay simulan ito sa kanilang sariling hanay. Binanatan din niya ang umano’y pagkakaugnay ng pamahalaan sa mga banyagang impluwensya, partikular na ang Central Intelligence Agency (CIA) ng Estados Unidos. “Huwag na tayong magpanggap — halatang CIA na ang nagpapatakbo sa gobyernong ito,” aniya.
Tinapos ni Pulong ang kanyang pahayag sa mariing panawagan para sa tunay na demokrasya at kalayaan sa bansa. “Ang problema ngayon, ang mga nagsasabi ng katotohanan ang siyang pinupuntirya. Hindi na ito demokrasya — mukha na itong sindikatong kumokontrol sa karapatan ng mamamayan,” dagdag pa ng mambabatas.
Ang pahayag ni Cong. Pulong ay lumabas ilang araw matapos manawagan si Singson ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dahilan upang maiugnay ang kaso sa isyu ng pulitika at kapangyarihan sa loob ng administrasyon.