LTO Chief Lacanilao, pinasisibak ang 2 empleyado at 1 gwardiya dahil sa umano’y pangongotong
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-05 23:25:31
MANILA, Philippines — Inatasan ni Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang agarang pagsibak sa dalawang empleyado at isang security guard ng ahensya matapos silang ireklamo ng ilang jeepney driver at operator dahil sa umano’y pangongotong.
Ayon sa initial na ulat, personal na humarap si Asec. Lacanilao sa mga complainant matapos makarating sa kanyang tanggapan ang mga reklamo. Inilahad ng mga tsuper at operator ang umano’y modus ng mga tauhan ng LTO na nanghihingi ng pera kapalit ng mabilis na pagproseso o pag-iwas sa umano’y paglabag sa trapiko.
Matapos marinig ang testimonya ng mga biktima, agad na inatasan ni Lacanilao na tanggalin sa puwesto ang tatlong personnel bilang bahagi ng pagpapatupad ng internal cleansing sa ahensya.
Bukod sa pagsibak sa mga tauhan, tiniyak ni Asec. Lacanilao na magsasampa siya ng mga kasong administratibo at kriminal laban sa mga sangkot upang mapanagot ang mga ito sa batas.
Dagdag niya, patuloy ang mas pinaigting na kampanya ng LTO kontra sa katiwalian upang maibalik ang tiwala ng publiko sa kanilang operasyon. Hinihikayat din ng ahensya ang mga motorista na agad i-report ang anumang insidente ng pang-aabuso o anomalya mula sa mga kawani ng LTO. Samantala, nagpahayag ng pasasalamat ang mga nagreklamong driver at operator sa mabilis na aksyon ng LTO chief at nanawagan sa iba pang biktima na huwag matakot magsumbong upang tuluyang matigil ang ganitong uri ng pang-aabuso sa sektor ng transportasyon. (Larawan: LTO - Philippines / Facebook)
