Diskurso PH
Translate the website into your language:

ICC Assistant to Counsel Atty. Conti, tinuligsa ang pahayag ni Sen. Robin laban sa ICC

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-17 23:57:19 ICC Assistant to Counsel Atty. Conti, tinuligsa ang pahayag ni Sen. Robin laban sa ICC

MANILA, Philippines Mariing tinuligsa ni International Criminal Court (ICC) Assistant to Counsel Atty. Kristina Conti ang mga pahayag ni Senador Robinhood “Robin” Padilla na umano’y inuugnay ang kaso ng ICC laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga parusang ipinataw ng pamahalaan ng Estados Unidos sa ilang hukom ng nasabing international court.

Sa isang post sa kanyang X account (dating Twitter) nitong Miyerkules, Disyembre 17, nilinaw ni Conti na walang kaugnayan ang ICC case ni Duterte sa sanctions na ipinatupad ng US. Ayon sa kanya, ang nasabing parusa ay nag-ugat sa mga imbestigasyon ng ICC laban sa ilang opisyal ng Israel at ng mismong Estados Unidos, at hindi dahil sa pag-usad ng kaso ng Pilipinas kaugnay ng madugong kampanya kontra droga noong administrasyon ni Duterte.

“Huwag pong maniwala sa mga hindi naman buong-buo ang pagkaka-intindi sa mga isyu,” giit ni Conti, sabay paalala sa publiko na maging mapanuri at huwag agad maniwala sa mga pahayag na maaaring magdulot ng kalituhan o maling impormasyon tungkol sa sensitibong usaping pandaigdig.

Nauna rito, nagpahayag si Sen. Padilla ng opinyon na tila ikinokonekta ang ICC proceedings laban kay Duterte sa naging hakbang ng US laban sa ilang opisyal ng korte, isang pahayag na agad namang kinuwestiyon ng mga legal expert at human rights advocates.

Samantala, nanatili pa ring nakakulong si dating Pangulong Duterte sa detention facility ng ICC sa The Hague, Netherlands, kung saan siya ay humaharap sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng umano’y libo-libong pagpatay sa ilalim ng kanyang war on drugs. Patuloy pa rin ang legal na proseso, habang binibigyang-diin ng mga kinatawan ng ICC at mga abogado ng mga biktima na hiwalay at independiyente ang imbestigasyon ng korte mula sa impluwensiya ng anumang estado.

Muling iginiit ni Conti na mahalagang maunawaan ng publiko ang tunay na konteksto ng mga pangyayari upang hindi magamit ang maling impormasyon sa pampulitikang diskurso. (Larawan: Google)