Diskurso PH
Translate the website into your language:

Inuman session sa police station? Police Regional Office 8, naglunsad ng imbestigasyon

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-17 23:33:13 Inuman session sa police station? Police Regional Office 8, naglunsad ng imbestigasyon

EASTERN SAMAR Naglunsad na ng pormal na imbestigasyon ang Police Regional Office 8 (PRO-8) kaugnay ng umano’y drinking session ng ilang pulis sa loob mismo ng isang police station sa Eastern Samar, na iniulat na naganap bilang bahagi umano ng kanilang Christmas party.

Sa inilabas na pahayag ng PRO-8, iginiit ng pamunuan na mahigpit na ipinagbabawal ng Philippine National Police (PNP) ang pag-inom ng alak ng mga pulis habang naka-duty o nasa loob ng police premises, anuman ang okasyon. Ayon sa PRO-8, malinaw na nakasaad sa mga umiiral na patakaran ng PNP na dapat panatilihin ang disiplina, propesyonalismo, at integridad sa lahat ng oras, lalo na sa loob ng himpilan ng pulisya na inaasahang simbolo ng kaayusan at tiwala ng publiko.

Kasalukuyan nang kinokolekta ng PRO-8 ang mga detalye ng insidente, kabilang ang petsa, oras, kung sinu-sino ang mga sangkot na personnel, at kung sila ay naka-duty nang mangyari ang umano’y inuman. Sinusuri rin kung may mga paglabag sa PNP Code of Ethical Standards at iba pang internal rules and regulations.

Binigyang-diin ng PRO-8 na kung mapapatunayang may paglabag, haharapin ng mga sangkot na pulis ang kaukulang administratibong parusa, na maaaring magmula sa reprimand hanggang sa mas mabigat na sanction, depende sa resulta ng imbestigasyon.

Samantala, tiniyak ng PRO-8 sa publiko na hindi nila kukunsintihin ang anumang uri ng misconduct sa hanay ng kapulisan, lalo na yaong maaaring makasira sa imahe ng PNP. Hinimok din ang lahat ng pulis sa rehiyon na maging ehemplo ng disiplina at sundin ang mga alituntunin ng organisasyon, lalo na ngayong holiday season kung kailan inaasahan ang mas mataas na antas ng pagbabantay at serbisyo sa komunidad. Patuloy ang imbestigasyon at inaasahang maglalabas ng karagdagang pahayag ang PRO-8 sa sandaling makumpleto ang beripikasyon ng mga pangyayari. (Larawan: Facebook)