Pagguho ng bato mula sa bulkang Mayon, muling naitala ngayong araw; PHIVOLCS, nagbigay babala sa mga nasa danger zone
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-17 23:27:24
BICOL — Naitala ng Mayon Volcano Network ang isang rockfall event sa Bulkang Mayon bandang 9:29 ng umaga ngayong Disyembre 17, 2025, ayon sa seismic at visual monitoring systems ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Batay sa ulat, ang insidente ay dulot ng pagkatanggal o “spalling” ng lava mula sa summit crater ng bulkan. Ang mga gumuhong tipak ng bato ay bumaba sa Mi-isi Gully, na matatagpuan sa south-southeast na bahagi ng itaas na dalisdis ng Mayon, at huminto sa loob ng humigit-kumulang isang kilometro mula sa tuktok ng bulkan.
Ayon sa PHIVOLCS, ang ganitong uri ng aktibidad ay indikasyon ng patuloy na mababang antas ng paggalaw ng bulkan, kahit hindi ito nangangahulugan ng agarang pagputok. Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 1 ang Bulkang Mayon, na nagpapahiwatig ng low-level volcanic unrest.
Mariing pinaaalalahanan ng ahensya ang publiko na mahigpit na iwasan ang anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa posibleng panganib mula sa biglaang rockfall, lava collapse, at iba pang volcanic hazards. Ipinagbabawal din ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa tuktok ng bulkan para sa kaligtasan.
Patuloy ang 24/7 monitoring ng PHIVOLCS sa Mayon Volcano gamit ang seismic instruments, visual cameras, at gas measurements upang agarang matukoy ang anumang pagbabago sa aktibidad nito. Hinimok din ang mga lokal na pamahalaan at residente sa paligid ng bulkan na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng awtoridad.
Binigyang-diin ng PHIVOLCS na bagama’t normal ang ganitong aktibidad sa isang aktibong bulkan tulad ng Mayon, mahalaga ang disiplina at kahandaan upang maiwasan ang anumang sakuna. (Larawan:PHIVOLCS - DOST / Facebook)
