Diskurso PH
Translate the website into your language:

Raffy Tulfo, binanatan ang inutil na pamumuno sa FDA; direktor ng ahensya, hinamong magbitiw

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-17 20:44:19 Raffy Tulfo, binanatan ang inutil na pamumuno sa FDA; direktor ng ahensya, hinamong magbitiw

DISYEMBRE 17, 2025 — Muling pinatamaan ni Senador Raffy Tulfo ang Food and Drug Administration (FDA) matapos niyang ipakita na kayang alisin ang mga mapanganib na produkto sa online platforms nang mas mabilis kaysa sa ahensya.

Ayon kay Tulfo, dalawang staff lamang mula sa kanyang opisina ang nagpadala ng mga liham at nagsagawa ng follow-up sa mga e-commerce sites. Sa loob ng pitong araw, naalis ang kabuuang 700 listahan ng delikadong produkto — 373 mula sa Lazada, 189 sa Shopee, at 138 sa TikTok Shop — na matagal nang nakalista online.

Ang hakbang na ito ay naging patunay, ayon sa senador, na bigo ang FDA sa tungkulin nitong protektahan ang publiko. Sa halip na agarang aksyon, nakuntento umano ang ahensya sa paglalabas ng “public health warning advisories” na hindi naman sinundan ng aktwal na pagtanggal ng mga produkto.

Matatandaang noong nakaraang budget hearing, nangako si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na tatanggalin si FDA Director General Paolo Teston kung mapapatunayan ni Tulfo na posible ang agarang pagtanggal ng mga ipinagbabawal na produkto sa online shops.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Tulfo ang pangangailangan ng mas mahigpit na pamumuno sa FDA. 

“There is a need to cleanse the ranks of FDA. It should be someone who could pull out the bad weeds in FDA. Because clearly there are bad weeds – inutil, lazy, or corrupt,” giit ng senador. 

(May pangangailangan na linisin ang hanay ng FDA. Dapat itong pamunuan ng taong kayang bunutin ang masasamang damo sa loob ng ahensya. Dahil malinaw na may masasamang damo – inutil, tamad, o tiwaling opisyal.)

Noong Oktubre 1 pa unang binanatan ni Tulfo ang FDA dahil sa patuloy na pagbebenta ng mga hindi rehistradong health products sa social media at e-commerce sites.

Sa huli, hinamon ng senador si Teston na magbitiw na lamang. 

“If he still had any sense of shame left,” patutsada niya. 

(Kung mayroon pa siyang natitirang hiya.)



(Larawan: Philippine News Agency)