Green GSM Taxi, sinita ng City Government of Davao dahil sa kawalan ng permit
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-18 00:13:58
DAVAO CITY, Philippines — Sinita ng City Government of Davao ang operator ng Green GSM Taxi, isang kumpanya ng public transport na gumagamit ng electric vehicles, dahil sa kakulangan ng business permit at iba pang kinakailangang clearance mula sa lokal na pamahalaan.
Ayon sa opisyal na pahayag ng Davao City LGU, obligasyon ng kumpanya na tiyaking kumpleto ang lahat ng mga dokumento bago mag-operate sa lungsod. “The City Government of Davao reminds the operator of Green GSM Taxis that it is their legal obligation to secure and comply with all necessary permits from government agencies before operating within the City of Davao,” nakasaad sa kanilang post.
Hanggang Martes, Disyembre 16, sinabi ng lokal na pamahalaan na hindi pa rin nakakakuha ang Green GSM ng mga sumusunod:
Business Permit
Locational Clearance
Building Permit para sa kanilang pasilidad
Dagdag pa rito, wala rin umanong rekomendasyon mula sa City Transport and Traffic Management Board (CTTMB) at Sangguniang Panlungsod para sa kanilang franchise application mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), bilang pagtugon sa Comprehensive Transport and Traffic Code Ordinance ng Davao City.
Pormal na inilunsad ang GSM Taxi operations sa lungsod noong Lunes, Disyembre 15. Sa kabila ng suporta sa mas malinis at environment-friendly na transportasyon, iginiit ng LGU: “While we support an environmentally cleaner transportation, the City Government of Davao will not tolerate any company that blatantly disregards local ordinances. Companies may choose to bypass regulations elsewhere, but such behavior will not be allowed in Davao City.” Ang naturang aksyon ay nagpapakita ng mahigpit na pagpapatupad ng lokal na regulasyon laban sa mga negosyo na nag-ooperate nang walang kaukulang pahintulot, upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa transportasyon sa Davao City. (Larawan: When in Davao / Facebook)
