Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ex-Usec Cabral, nagtungo sa Baguio para maningil ng utang mula sa kontraktor – Rep. Erice

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-12-23 13:54:18 Ex-Usec Cabral, nagtungo sa Baguio para maningil ng utang mula sa kontraktor – Rep. Erice

DISYEMBRE 23, 2025 — Natagpuan ang bangkay ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral sa bangin ng Kennon Road sa Tuba, Benguet noong Disyembre 19. Ngunit bago ang trahedya, lumabas ang impormasyon na may kaugnayan sa kanyang madalas na pagpunta sa Baguio.

Ayon kay House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City Rep. Edgar Erice, hindi lamang pamamahinga ang dahilan ng kanyang pagbisita sa lungsod. 

“Meron ding lumapit sa akin na she was there to collect some debts from a contractor,” ani Erice. 

(May nagsabi rin sa akin na naroon siya upang maningil ng utang mula sa isang kontraktor.)

Sa panayam ni Erice sa programang On Point ng Bilyonaryo News Channel, binanggit ng kongresista na si Cabral ay tumutuloy sa isang mansion matapos magbitiw sa puwesto. 

“Ang information ko from a very reliable source, madalas siyang pumunta sa Baguio nung mag-resign siya. Doon siya, siguro nagre-relax, at ang tinitirahan niya hindi naman hotel kundi isang mansion. Hindi ko lang alam kung sino yung may-ari nung mansion,” wika ni Erice. 

Bukod sa usapin ng utang, binigyang-diin ni Erice ang umano’y hindi pag-freeze ng bank accounts ni Cabral, taliwas sa nangyari sa ibang opisyal na nasangkot sa flood control controversy. 

“Nakakapagtaka rin bakit principal siya sa problema na yan, ayon kay Usec. Bernardo, bakit hindi na-freeze yung account nya,” dagdag ng mambabatas. 

Dagdag pa ni Erice, nakapagwi-withdraw umano si Cabral ng cash sa bangko bago ang kanyang kamatayan. Dahil dito, kabilang siya sa mga mambabatas na naghain ng resolusyon para imbestigahan ng Kongreso ang mga pangyayari sa likod ng kanyang pagkamatay.

Ang mga rebelasyong ito ay nagdagdag ng bigat sa misteryo sa kaso ni Cabral, na patuloy na binabantayan ng publiko at ng mga mambabatas.



(Larawan: House of Representatives of the Philippines | Facebook)