Diskurso PH
Translate the website into your language:

NBA: Format na USA vs World, gagamitin sa 2026 NBA All-Star Game

Ace Alfred AceroIpinost noong 2025-06-05 18:18:16 NBA: Format na USA vs World, gagamitin sa 2026 NBA All-Star Game

June 5 - Kumpirmado mula kay NBA commissioner Adam Silver na ang 2026 NBA All-Star Game ay gagamit ng format na USA laban sa World, ayon sa anunsyo nitong Miyerkules (Huwebes sa Maynila).

Ang hakbang ay tugon sa mababang ratings at negatibong feedback ng mga manlalaro sa nakaraang All-Star Game na ginamitan ng celebrity-picked rosters, na tinawag ng marami bilang isang flop.

Sa panayam sa Fox Sports One, diretsong sinagot ni Silver ng “Yes” ang tanong kung babalik ba ang USA vs World format para sa All-Star. “Kasama ito sa bago naming media deal kung saan babalik sa NBC ang All-Star Game, at kasabay ito ng Winter Olympics,” paliwanag niya.

Ang laro ay ilalabas sa hapon imbes na sa gabi, na may lead-in at follow-up programming mula sa Winter Olympic events. “Anong mas magandang pagkakataon para ipakita ang USA kontra sa World kundi habang ginaganap ang Olympics?” dagdag ni Silver.

Kapana-panabik ang posibleng matchup na ito kung saan maaaring magtapat sina Shai Gilgeous-Alexander (Canada) at Tyrese Haliburton (USA), habang posibleng magsama sa isang koponan sina LeBron James, Stephen Curry, at Kevin Durant kontra kina Giannis Antetokounmpo, Nikola Jokic, at Victor Wembanyama.

Bagama’t wala pang final na format, inamin ni Silver na tinitingnan nila ang tagumpay ng NHL Four-Nations Face-Off, lalo na ang matinding labanan ng USA at Canada.

Tinukoy din ni Silver ang mataas na ratings ng Olympic basketball tournament sa Paris, kung saan nanalo ang US team na binubuo ng mga NBA stars. Isa ito sa mga indikasyon na malakas pa rin ang global appeal ng USA vs World setup sa basketball.