Yulo balik sa podium! Bronze sa men’s floor ng World Championships
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-25 08:01:02
JAKARTA — Muling nagningning ang bituin ng Pilipinong gymnast na si Carlos Edriel Yulo matapos niyang masungkit ang bronze medal sa men's floor exercise final ng 53rd FIG Artistic Gymnastics World Championships na ginanap sa Indonesia Arena, Jakarta.
Si Yulo, na dalawang beses nang nagwagi ng Olympic gold, ay nagtala ng kabuuang score na 14.533 — sapat upang makuha ang ikatlong puwesto sa likod ng mga Briton na sina Jake Jarman (gold, 14.866) at Luke Whitehouse (silver, 14.666).
Bagama’t bahagyang mas mababa ang kanyang score kumpara sa 14.566 na nakuha niya sa qualifiers, nanatili siyang positibo. “I have no regrets, I did my best and gave my all but Jarvis and Luke just happened to be better today. I am grateful that I reached two apparatus and that is a big plus for me,” ani Yulo.
Ito ay muling pagbalik ni Yulo sa podium matapos hindi makakuha ng medalya sa nakaraang edisyon ng World Championships. Nauna na siyang nagwagi ng gold sa floor exercise noong 2019 sa Stuttgart, Germany, at sa 2023 Paris Summer Games.
Ayon sa FIG, ang kanyang routine ay kinabibilangan ng “2.5 twist to front double pike, small hop. Double layout double full out, small shuffle back. 3.5 twist side pass. Front double twist to front layout. Stuck double layout full out”.
Si Yulo ay nakatakdang lumaban muli sa vault finals sa Sabado, kung saan inaasahan ng mga tagasuporta na muling makapagdala siya ng karangalan sa Pilipinas.
Larawan mula Philippine Gymnastics Enthusiasts
