American chess grandmaster na si Daniel Naroditsky, pumanaw sa edad na 29
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-21 22:57:05
NORTH CAROLINA, USA — Pumanaw sa edad na 29 si Daniel Naroditsky, isang American chess grandmaster na kinilala bilang isa sa mga pinakaimpluwensiyal na tinig sa larangan ng ahedres sa Estados Unidos. Kinumpirma ng Charlotte Chess Center sa North Carolina, kung saan siya nagsanay at nagturo, ang kanyang pagpanaw nitong Lunes sa pamamagitan ng isang pahayag sa social media.
Sa kanilang anunsiyo, inilarawan ng sentro si Naroditsky bilang “isang talentadong manlalaro ng chess, guro, at minamahal na kasapi ng komunidad ng chess.” Ayon sa pamilya ng grandmaster, “Alalahanin natin si Daniel sa kanyang pagmamahal sa laro ng chess, at sa inspirasyong hatid niya araw-araw sa lahat ng nakakakilala sa kanya.”
Hindi pa ibinubunyag ng mga awtoridad at ng pamilya ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Si Naroditsky ay nagsimulang maglaro ng chess sa murang edad at agad na nakilala bilang isang child prodigy. Sa edad na 18, tinamo niya ang titulong Grandmaster — ang pinakamataas na antas sa larangan ng ahedres, bukod pa sa pagiging World Chess Champion. Kilala rin siya bilang isang mahusay na tagapagsanay, manunulat, at commentator sa mga internasyonal na torneo.
Bukod sa kanyang mga tagumpay sa torneo, si Naroditsky ay naging huwaran sa mga kabataang chess enthusiasts dahil sa kanyang dedikasyon sa pagtuturo at pagbabahagi ng kaalaman sa pamamagitan ng mga online platforms at chess tutorials.
Ang kanyang biglaang pagpanaw ay nagdulot ng matinding dalamhati sa pandaigdigang komunidad ng chess, na ngayon ay nagluluksa sa pagkawala ng isa sa mga pinakamatatalinong isipan at pinakamabubuting guro sa larangan. (Larawan: Yahoo Sports / Google)