Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tatlong daang atletang katutubo, sasabak sa Mindanao Leg 2025 Indigenous Peoples Games sa Agusan del Norte

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-10-07 19:39:23 Tatlong daang atletang katutubo, sasabak sa Mindanao Leg 2025 Indigenous Peoples Games sa Agusan del Norte

BUENAVISTA, AGUSAN DEL NORTE — Puspusan ang paghahanda sa isinasagawa ng bayan ng Buenavista para sa Mindanao leg ng 2025 Indigenous Peoples (IP) Games na gaganapin ngayong  Oktubre 11–12 sa  Buenavista Central Elementary School , tampok ang mahigit 300 katutubong atleta mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon.

Ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) board member Fritz Gaston, layunin ng taunang palaro na itampok ang mga tradisyunal na laro at sining ng mga katutubo, bilang pagpapahalaga sa mayamang kultura ng bansa.

“Ang mga taga-Agusan del Norte ay labis na nasasabik. Isa itong malaking kaganapan para sa kanila,” ani Gaston sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.

Mag-uumpisa na umanong dumating sa Buenavista ang mga delegado bukas, Oktubre 8, bilang paghahanda sa dalawang araw na paligsahan.

Pinangungunahan nina Buenavista Mayor Joselito Roble at Agusan del Norte Governor Maria Angelica Rosedell Amante ang mga inisyatibong tiyakin ang maayos at matagumpay na hosting ng naturang aktibidad.

Dadaluhan din ng PSC Commissioner Ed Hayco ang seremonya ng pagbubukas.

Binanggit ni Gaston na bagama’t nagkaroon ng pagkaantala sa Visayas leg na dapat sanang ginanap sa Iloilo City noong Setyembre 27–28 dahil sa masamang panahon, umaasa silang magiging maaliwalas ang panahon sa Mindanao leg.

Samantala, pinag-aaralan ng PSC kung paano maisisingit sa iskedyul ang Luzon leg sa Ilocos Norte na nakatakda sa susunod na buwan, at sa  pagitan ng Batang Pinoy National Games sa General Santos City ngayong Oktubre at ng 33rd Southeast Asian (SEA) Games sa Thailand sa Disyembre.

Bagama’t may nakalaang medalya at katiting na gantimpalang salapi para sa mga kalahok, binigyang-diin ni Gaston na higit na mahalaga sa palaro ang diwa ng pagkakaisa, pakikipagkaibigan, at patas na paligsahan sa hanay ng mga katutubong atleta.

“Higit pa sa karangalan ng panalo, ang IP Games ay patunay ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba,” ani Gaston.

Lalahukan at magtatagisan ang mga atleta mula sa mga lungsod at munispalidad ng Nasipit, Las Nieves, Buenavista, Cabadbaran City, Carmen Jabonga, Tubay Santiago, Kitcharao, Remedio T.Romualdez at Butuan City.


Tagisan para sa ibat ibang katergorya  tulad ng pintik (pana), bangkaw (javelin), bag-ud, sudsud (babae), takyang (babae), katutubong karera, tug-of-war, paggawa ng apoy, lubok-humay at unahik/palosebo/katkat kawayan.

larawan/google