Diskurso PH
Translate the website into your language:

Ateneo, panalo sa matinding sagupaan kontra La Salle; 81–74, sa UAAP Season 88

Ana Linda C. RosasIpinost noong 2025-10-05 22:18:11 Ateneo, panalo sa matinding sagupaan kontra  La Salle;  81–74, sa UAAP Season 88

PASAY CITY — Muling pinatunayan ng Ateneo Blue Eagles ang kanilang tibay sa endgame matapos nilang mapigilan ang matinding pagbalik ng karibal na De La Salle Green Archers, 81–74, upang manatiling walang talo sa UAAP Season 88 Men’s Basketball Tournament nitong Linggo, Oktubre 5, sa SM Mall of Asia Arena.


Dominante ang Ateneo sa unang tatlong yugto ng laro, umabante pa ng hanggang 33 puntos late sa third quarter at pumasok sa huling yugto na may malamang 68–38 na kalamangan.


Ngunit tila nagising ang La Salle sa ikaapat na quarter, nang pangunahan nina Mason Amos, Mike Phillips, EJ Gollena, at Kean Baclaan ang isang masigasig na paghabol, isalpak ang unang 19 puntos ng fourth quarter upang mapababa ang lamang sa 11 puntos, 57–68, may 4:03 minuto pa sa orasan.

Tinangkang ilayo muli ng Ateneo sa pamamagitan ni Shawn Tuano, na kumamada ng mahahalagang puntos upang itulak ang iskor sa 75–62 sa natitirang 2:24 minuto, ngunit patuloy ang agresibong opensiba ng Archers.


Sa mga huling sandali, nagsanib-puwersa sina Jacob Cortez, EJ Gollena, at Mike Phillips upang maibaba pa ang agwat sa lima, 77–72, matapos ang putback ni Phillips mula sa mintis ni Amos sa nalalabing 30.4 segundo.


Ngunit nanatiling matatag ang Blue Eagles, nang ipasok ni Andrew Bongo at Tuano ang mahahalagang free throws na nagselyo ng panalo, sa kabila ng pag-arangkada ng La Salle na umiskor ng 36 puntos sa huling kwarter—halos kasingdami ng 38 puntos na kanilang naitala sa unang tatlong yugto.

“Full credit to La Salle sa comeback na ginawa nila sa fourth quarter,” wika ni Ateneo head coach Tab Baldwin matapos ang laro.
“Sa unang tatlong quarter, iyon na siguro ang isa sa pinakamagandang performance ng Ateneo team na nahawakan ko. Pero sa ikaapat, marahil iyon din ang isa sa pinakamasama. Mabuti na lang isang quarter lang ‘yon.”

Pinangunahan ni Dominic Escobar ang Ateneo sa unang half na may 15 puntos at 9 rebounds, dahilan upang umabante ang Blue Eagles ng 36–19 sa halftime. Si Tuano naman ay umiskor ng 15 puntos, kabilang ang 9 sa ikaapat na quarter, para tapusin ang rally ng Archers.

Ang panalo ay nagbigay-daan sa Ateneo (2–0) na tumabla sa kanilang win total noong Season 87 (4–10) sa maagang bahagi pa lang ng torneo, sa harap ng 17,185 fans na pumuno sa MOA Arena.

Para naman sa La Salle, na ngayon ay bumagsak sa 1–1 record, isa itong masakit na paalala ng kahalagahan ng consistency matapos ang mahinang simula sa laro.


Hindi pa tapos ang hamon para sa Blue Eagles, dahil sasalubungin nila ang matinding Katipunan derby kontra University of the Philippines sa Miyerkules, bago harapin ang University of Santo Tomas sa kanilang home court sa Blue Eagle Gym sa Sabado.


Larawan / Photo Sources:

UAAP Media Bureau