PHIVOLCS: PH, mas handa para sa posibleng 7.7 magnitude na lindol
Mary Jane Barrera Ipinost noong 2025-04-01 15:17:44
Abril 1, 2025 — Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Lunes, mas handa na ang bansa ngayon kung sakaling muling mangyari ang isang malakas na lindol na may magnitude 7.7. Binanggit ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na may posibilidad pa rin na mangyari ang isang malakas na lindol, tulad ng magnitude 7.7 na lindol na tumama sa Luzon noong 1990 at ang magnitude 8.1 na lindol sa Mindanao noong 1976.
“Yes, mas mataas pa sa magnitude 7.7 ang pwede natin na maranasan. In fact, naranasan na natin ito dati pa, nung July 16, 1990 earthquake, umabot ang lindol ng magnitude 7.8 at noong August 17, 1976, nagkaroon ng magnitude 8.1 sa may Mindanao, sa Moro Gulf, at kumitil ito ng higit kumulang 8,000 people,” sabi ni Bacolcol sa isang panayam sa Bagong Pilipinas Ngayon. “So the possibility that we will experience a magnitude 7.7 earthquake and above is always there.”
Gayunpaman, binanggit ni Bacolcol na mas aware na ang mga Pilipino ngayon sa mga panganib ng lindol at ang mga epekto nito kumpara sa mga nakaraang dekada."We cannot be a hundred percent prepared, that’s quite impossible. But I would say that we are more prepared now than before. Malaki ang naitulong ng NDRRMC sa ating awareness dahil sa ginagawa nating quarterly earthquake drills. People are now more aware than 20 or 30 years ago about earthquakes and impacts of earthquakes." paliwanag niya.
Gawa ng magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar noong nakaraang linggo na pumatay ng 1,700 tao, binigyang diin ni Bacolcol ang kahalagahan ng pagiging handa sa mga ganitong sakuna. Matagal nang pinaalalahanan ng mga eksperto ang tungkol sa tinatawag na "Big One," isang lindol na may magnitude na 7.2 na maaaring tumama sa Metro Manila at mga kalapit na lugar. Sa ganitong pangyayari, maaari umabot ng mahigit 50,000 katao ang mamatay, at mga 12% ng mga residential buildings ang maaaring masira.
Ipinaalala ni Bacolcol na posibleng mangyari ang malalaking lindol kahit saan sa bansa. Ibinunyag niya na patuloy na minomonitor ng PHIVOLCS ang anim na aktibong trenches, na "capable of generating major and even great earthquakes (may kakayahang magdulot ng malalaking lindol, pati na rin ng mga napakalaking lindol)" at maaaring magdulot ng mga tsunami: East Luzon Trough, Philippine Trench, Cotabato Trench, Sulu Trench, Negros Trench, at Manila Trench.
“Except in Palawan, almost all parts of the Philippines have active faults. We have more than 180 active fault segments and six trenches, and these are all capable of generating light to major and even great earthquakes. So we really need to prepare for it (Bukod sa Palawan, halos lahat ng bahagi ng Pilipinas ay may active faults. Mayroon tayong mahigit 180 active fault segments at anim na trenches na kayang magdulot ng mula sa mahihinang lindol hanggang sa matitinding pagyanig. Kaya talagang kailangan natin itong paghandaan),” sabi ni Bacolcol.
Bagama’t inaamin ni Bacolcol na mas handa na ang bansa ngayon, binanggit niya rin na may mga hamon pa ring kailangang harapin, tulad ng pagpapalakas ng imprastruktura upang makayanan ang lindol."There are still challenges that we need to hurdle and we’re on our way. Isa na dito, for example, yung infrastructure vulnerability. So some older buildings, roads, bridges, and critical infrastructures in Metro Manila may not be earthquake resistant. Retrofitting and reinforcing buildings are important, at ginagawa naman ito ng ating gobyerno." sabi niya.
Dagdag pa, pinayuhan ng PHIVOLCS ang mga pamilya na nakatira sa mga high-rise buildings na maging pamilyar sa mga emergency exits at maghanda ng emergency kit na naglalaman ng flashlight, tubig, pagkain, at gamot na sapat para sa tatlong buwan. Binanggit din ni Bacolcol ang kahalagahan ng pagsasanay ng “duck, cover, and hold” technique at pagtukoy ng meeting point kung sakaling magkalayo ang mga miyembro ng pamilya sa oras ng sakuna.
Samantala, binigyang diin ni Office of Civil Defense Undersecretary Ariel Nepomuceno na kailangan maging handa ang bansa hindi lang para sa Big One kundi pati na rin sa iba pang seismic risks. "We have six other active trenches. There are two levels of preparations: for response by the national government agencies, we are ready and the plans are in place. But [the second level of preparation is] for the engineering solutions, [and] we have to catch up (May anim pa tayong iba pang aktibong trenches. Dalawang level ang ating paghahanda: sa response level, handa na ang national government agencies at nakalatag na ang mga plano. Pero pagdating sa engineering solutions, kailangan pa nating humabol)," sabi ni Nepomuceno.
"Meaning, houses, buildings, and other structures must be fully compliant with the building code. We need to conduct structural integrity, audit, and strengthen our homes, buildings, etc (Ibig sabihin, kailangang sumunod nang buo ang mga bahay, gusali, at iba pang istruktura sa building code. Kailangan nating magsagawa ng structural integrity audit at palakasin ang ating mga tahanan, gusali, at iba pang imprastraktura para masigurado ang tibay at seguridad ng mga ito)." dagdag niya.
Larawan: adventtr/Canva