PH inflation bumaba, posibleng magkaroon pa ng pagbaba ng interest rates
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-05-07 09:17:43
MAYO 7, 2025 — Biglang bumaba ang inflation rate ng Pilipinas noong Abril, na umabot sa 1.4% — pinakamababa mula noong huling bahagi ng 2019 — dahil sa paghina ng presyo ng pagkain at transportasyon. Nagbukas ito ng pagkakataon para sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magbaba pa ng interest rates sa gitna ng kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang ekonomiya.
Ipinakita ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na mas mababa sa inaasahan ng mga ekonomista na 1.9% ang inflation rate noong Abril. Tumayo lamang sa 0.9% ang pagtaas ng presyo ng pagkain, mula sa 2.2% noong Marso. Lalong bumaba ang presyo ng bigas, isa sa pangunahing dahilan ng inflation, sa 10.9%.
Bumaba rin ng 2.1% ang gastos sa transportasyon dahil sa mas mababang presyo ng krudo, bagama't tumaas naman sa 5.4% ang inflation sa kuryente dahil sa mas mataas na demand.
Handa na muling magbaba ng interest rates ang BSP, ayon sa kanila, dahil sa mas mahirap na external environment na maaaring makasama sa paglago ng ekonomiya.
"The more manageable inflation outlook and the downside risks to growth allow for a shift toward a more accommodative monetary policy stance," saad ng BSP.
(Mas kontrolado na ngayon ang inflation, at may mga panganib sa paglago ng ekonomiya, kaya maaari nang magpatupad ng mas maluwag na monetary policy.)
Inaasahan na ng mga analyst ang karagdagang pagbaba ng rates, kung saan hinulaan ng ING Bank na posibleng magkaroon muli ng rate cut bago matapos ang Hunyo.
Susunod na pagpupulong ng BSP para sa monetary policy ay sa Hunyo 19, kasunod ng paglabas ng datos para sa first-quarter GDP sa Mayo 8 — isang mahalagang factor sa desisyon ng bangko sentral.
Pahayag ni Deepali Bhargava ng ING Bank, "The lower-than-expected inflation trajectory, stronger-than-expected local currency, and high real rates, combined with uncertainty on global growth, reinforce our view that the monetary policy easing is far from over."
(Mas mababa sa inaasahan ang inflation, mas malakas ang piso, at mataas pa rin ang real rates, kasabay ng kawalan ng katiyakan sa global growth, kaya naniniwala kami na hindi pa tapos ang pagluwag ng monetary policy.)
Inaasahan ng ING na bababa sa 4.75% ang policy rate bago matapos ang taon.
Dahil sa average na 2% ng inflation sa 2025 — na nasa loob ng target ng BSP — nakatuon na ngayon ang pansin sa pagpapalakas ng ekonomiya sa gitna ng mga banta mula sa labas ng bansa.
(Larawan: Bangko Sentral ng Pilipinas)
