Mas pinabilis na pagtala ng kumpiskadong ari-arian, isinusulong ng BSP
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-09-28 19:37:39
SETYEMBRE 28, 2025 — Naglabas ng mungkahing patakaran ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na layong pabilisin ang proseso ng pagrekord ng mga personal na ari-ariang kinumpiska mula sa mga hindi nakabayad ng utang.
Sa draft circular na inilabas ng BSP, iminungkahi ang pagbabago sa Manual of Regulations for Banks and Non-Bank Financial Institutions upang isama ang tamang oras ng pagrekord ng mga ari-ariang nakuha sa ilalim ng Republic Act 11057 o Personal Property Security Act (PPSA).
Sa ilalim ng panukala, maaaring itala ng mga bangko, quasi-banks, at non-stock savings and loan associations ang mga nakuhang personal na ari-arian bilang Real and Other Properties Acquired (ROPA) sa sandaling may dokumentong nagpapatunay na ginamit ang ari-arian bilang kabayaran sa utang. Hindi na kailangang hintayin ang korte o pormal na kasunduan gaya ng dacion in payment.
Saklaw nito ang mga kasong may bentahan ng collateral, pag-aari ng nagpapautang sa ilalim ng kasunduan, o pagbawi ng ari-arian sa mga natatanging sitwasyon sa ilalim ng PPSA.
Nilinaw rin ng BSP kung paano dapat itala ang mga non-financial assets sa ilalim ng ROPA: cost model para sa lupa at gusali, fair value para sa produktong agrikultural, at amortization o impairment testing para sa intellectual property.
Ayon sa BSP, “The proposed amendments seek to promote consistent regulatory treatment and establish clear guidelines for the timing and recognition of personal property acquired in the settlement of loans.”
(Layunin ng mga mungkahing pagbabago na magkaroon ng pare-parehong regulasyon at malinaw na gabay sa oras at pagkilala sa mga personal na ari-ariang nakuha bilang kabayaran sa utang.)
Ang panukala ay bahagi ng hakbang ng BSP para gawing moderno ang mga panuntunang pampinansyal at palawakin ang paggamit ng movable assets bilang collateral upang mapadali ang pag-access sa credit.
Bukas ang BSP sa mga komento mula sa publiko hanggang Oktubre 8. Kapag naaprubahan, magiging epektibo ang circular 15 araw matapos itong mailathala.
(Larawan: PIA - Philippine Information Agency)