Peso, lalong lumubog sa P58.90 : $1; merkado, ekonomiya sumabay sa paghina
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-28 11:39:36
OKTUBRE, 28, 2025 — Sumadsad muli ang halaga ng piso kontra dolyar nitong Lunes, at bumagsak sa P58.90 kada $1 — ang pinakamahinang antas nito sa loob ng halos isang taon. Ito na ang ikawalong sunod na araw ng paghina ng lokal na pera, kasabay ng pagtaas ng halaga ng dolyar at pangambang magpapatuloy ang pagluluwag ng patakaran ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Ayon sa datos ng Bankers Association of the Philippines, nawalan ng 27.5 centavos ang piso mula sa P58.625 noong Biyernes. Huling umabot sa ganitong kahinang antas ang piso noong Disyembre 18, 2024, sa P58.99.
Sa kabuuan, umabot sa $1.6 bilyon ang halaga ng kalakalan — mas mataas ng 14.3% kumpara sa nakaraang sesyon. Nagsimula ang palitan sa P58.60, bahagyang lumakas sa P58.50, bago bumagsak sa intraday low na P58.92.
Isa sa mga itinuturong dahilan ng patuloy na paghina ng piso ay ang pahayag ni Monetary Board member Benjamin Diokno na posibleng magpatuloy ang BSP sa pagbawas ng interest rates.
Sa panayam ng Bloomberg TV, sinabi ni Diokno: “We only intervene if the adjustment is persistent and it could affect our inflation target.”
(Nakikialam lang kami kung ang pagbabago ay tuluy-tuloy at maaaring makaapekto sa target naming inflation.)
Binanggit din ni Diokno na maaaring makaranas ng bahagyang paghina ang ekonomiya sa 2026 dahil sa mga isyung may kinalaman sa kalakalan at pagsusuri sa mga proyektong imprastruktura ng gobyerno. Tinukoy niya ang 2026 bilang “transition period” bago muling sumigla ang ekonomiya sa 2027 at 2028.
Samantala, sinabi ni RCBC chief economist Michael Ricafort na ang pagbaba ng piso ay dulot din ng pagbaba ng lokal na stock market, mga usap-usapan tungkol sa posibleng dagdag na rate cuts hanggang 2026, at mga isyung pulitikal na maaaring makaapekto sa mga reporma.
Dagdag pa niya, “The stronger dollar against major global currencies ... also led to weakness in other Asian currencies, including the peso.”
(Ang mas malakas na dolyar laban sa mga pangunahing pandaigdigang pera ... ay nagdulot din ng kahinaan sa iba pang Asian currencies, kabilang ang piso.)
Kasabay ng pagbagsak ng piso, muling bumaba ang Philippine Stock Exchange Index ng 54.26 puntos o 0.9% sa 5,933.76 — ikatlong beses sa loob ng apat na araw na may pagbaba sa merkado.
(Larawan: Philippine News Agency)
