TikTok, pinalawak ang pagsasanay sa mga online seller; mas maraming LGU, target makasosyo
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-29 17:56:20
OKTUBRE 29, 2025 — Mahigit 17,000 online seller sa buong bansa ang naturuan na ng TikTok Shop Philippines sa ilalim ng programang Unlad Lokal, ayon sa opisyal ng kumpanya.
Sa kabila ng dami ng nakapagtapos, sinabi ng TikTok na mas marami pa ang kailangang maabot. Target ngayon ng kumpanya ang mas malawak na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan upang mapalawak ang saklaw ng programa.
Isa sa mga bagong katuwang ng TikTok ay ang lokal na pamahalaan ng Taguig. Ayon kay Franco Aligaen, marketing lead ng TikTok Shop Philippines, ang partnership ay nakatuon sa pagtuturo sa mga maliliit na negosyante kung paano magproseso ng mga dokumento tulad ng business permit at BIR registration.
“Once you are done with all of the important documentation throughout the program, you also go through content training, how to utilize things like live stream, short form videos, things like that,” ani Aligaen.
(Kapag tapos ka na sa mga mahahalagang dokumento sa programa, dadaan ka rin sa content training, kung paano gamitin ang livestream, short form videos, at iba pa.)
Bukod sa Taguig, binanggit ni Aligaen na kinokonsidera rin ng TikTok ang Bacolod, Baguio, Cebu, at Davao bilang susunod na mga lungsod na maaaring makipag-partner. Ang batayan umano ng pagpili ay ang dami ng content creators at aktibong suporta ng LGU sa MSMEs.
“(Our targets are) cities have the largest densities of creators, possible creators, and also, like (micro, small, and medium enterprises), and also cities that have empowerment programs for MSMEs as well, because that's a natural complement to our Unlad Lokal program,” paliwanag niya.
(Ang mga target naming lungsod ay yung may pinakamaraming creators, posibleng creators, at MSMEs, pati na rin yung may mga empowerment programs para sa MSMEs dahil natural itong kaakibat ng Unlad Lokal.)
Sa isang event sa Taguig, ibinahagi ni Erin Tagudin, ecosystem development director ng TikTok Shop Philippines, na libu-libong sellers mula sa Metro Manila, Pampanga, Naga, at Cavite ang nakinabang na sa programa.
Samantala, kinilala ng Department of Trade and Industry (DTI) ang hamon sa mga bagong negosyante pagdating sa teknolohiya.
Ayon kay Rowena San Jose, division chief ng DTI, “Kasi, they are not sure kung paano i-navigate yung system, and sometimes may mga nagse-share, nagco-convince sa kanila for them to go online. But then, since they are not really knowledgeable, they are not sure kung trusted ba yung kausap nila or not.”
Sa datos ng TikTok noong Oktubre, halos kalahati ng benta ng top sellers sa bansa ay galing sa live selling — isang patunay sa potensyal ng livestreaming bilang digital sales tool.
(Larawan: TikTok)
